SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
AKMANG-AKMA ang pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Republic Act No. 12160 o mas kilala bilang Philippine Islamic Burial Act. Ito iyong batas na naglalayong tiyakin ang mga yumaong Muslim na maililibing agad.
Mula sa tanggapan ni Senador Robin Padilla, inihayag nito ang pagpirma ni PBBM sa Republic Act No. 12160. Nakapaloob sa batas na ito ang agarang pagpapalabas ng bangkay: Ang mga ospital, morgue, kulungan, at iba pang pasilidad ay inaatasang i-release ang bangkay ng yumaong Muslim sa loob ng 24 oras, kahit kulang pa ang ilang dokumento tulad ng death certificate;
Walang pagpipigil dahil sa bayarin: Hindi maaaring i-hold ang bangkay dahil sa hindi pa bayad na hospital bills. Maaaring magbigay ng promissory note ang pamilya para mai-release agad ang bangkay;
Pagsunod sa ritwal ng Islam: Ang bangkay ay dapat balutin ng puting tela (kafan), ilagay sa sealed na kahon, at ilibing bago ang susunod na adhan (tawag sa pagdarasal);
Pag-uulat ng kamatayan: Ang kamatayan ay dapat i-report sa lokal na health officer sa loob ng 14 na araw matapos ang libing upang ma-issue ang death certificate at matukoy ang sanhi ng kamatayan.
Ani Sen Robin, “Ang batas na ito ay isang malaking hakbang sa pagkilala at paggalang sa mga tradisyon at paniniwala ng ating mga kapatid na Muslim. Tinitiyak nito na ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay maililibing nang marangal at ayon sa kanilang pananampalataya.”
Kamakailan nga si Ka Freddie na kilala rin bilang Abdul Farid matapos ang kanyang pagyakap sa Islam noong 2013, ay pumanaw noong Mayo 27, 2025, dahil sa multiple organ failure. Ayon sa Islamic tradition at sa bagong batas, siya ay inilibing sa loob ng 24 oras sa Manila Islamic Cemetery. Ang kanyang libing ay pinangasiwaan ng Muntinlupa City Muslim Affairs Office, na nagsigurado na ang lahat ay ayon sa ritwal ng Islam.
Kaya hinihikayat ni Sen Robin ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, ospital, at lokal na pamahalaan na maging pamilyar sa mga probisyon ng RA 12160 at tiyakin ang maayos na pagpapatupad nito. Ang batas na ito ay simbolo ng pagkakaisa at paggalang sa iba’t ibang pananampalataya sa ating bansa.