SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
INAMIN ni Alfred Vargas na sobra siyang nalungkot at nadesmaya sa desisyon ng korte laban sa isinampa nilang kaso kay Rob Sy.
Aniya tila gumuho ang kanyang mundo nang ibinasura ng Manila City Prosecutor’s Office and Child Abuse Complaint na isinampa niya at ng misis niyang si Yasmine kay Rob at partner nito.
Bagama’t hindi maganda ang desisyon, nagpapasalamat naman si Alfred sa mga suporta at overwhelming messages na natatanggap niya.
Sa bagong statement na inilabas ng aktor politiko sa pamamagitan ng isang Facebook post noong Sabado, May 30, sinabi nitong, “Labis-labis ang aming pasasalamat sa walang patid na mga mensahe ng suporta na aming natanggap at patuloy na natatanggap
mula sa inyong lahat.
“Aaminin ko na nanlumo ako pagkabasa ko ng desisyon. Parang gumuho ang mundo ko. Naawa ako sa aking mga anak. Nahiya ako sa kanila.
“I felt like I failed them as a parent,” wika ni Alfred.
Dahil sa nangyaring ito, hindi maiwasang mapatanong si Alfred.
Aniya, “Wala na ba kaming matatakbuhan? Wala na bang tutulong sa anak kong na biniktima ng paulit-ulit na bullying?”
Para kay Alfred hindi lang away-bata na siyang sinasabi ng iba ang nangyari at naranasan ng kanyang anak.
“Seven years old lang ang anak ko.
Sinaktan sya ng paulit-ulit, binigyan ng trauma, namiligro ang buhay niya, ipinahiya sa harap ng maraming tao. Sinira ang kanyang dignidad.
“Tapos sasabihin na “away bata” lang at wala na kaming magagawa? Paano na yung anak ko na biniktima? Wala ba syang karapatang mabuhay na ligtas at walang takot?,” tila paghihinagpis na sabi ni Alfred.
Sa kabila nito, nagbibigay-lakas naman kay Alfred ang mga mensaheng natatanggap nila.
“But in our moment of doubt, all of you gave us clarity and purpose. You gave us strength.
Nalaman namin na hindi kami nag-iisa.
“Yasmine, my children, and I are overwhelmed with gratitude,” lahad pa ng actor-politician.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Alfred sa mga patuloy na nagdarasal, sumusuporta, at nagmamahal sa kanilang pamilya.
“You have inspired us to continue working for the truth and for a safer community for our children. We say no to bullying with greater determination. Itutuloy namin ang aming pagtutol at paglaban sa bullying.
“Maraming, maraming salamat sa inyong pagmamahal at panalangin,” sambit pa ni Alfred.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com