HINDI biro ang sitwasyong kinaharap ng buong bansa nitong mga nagdaang linggo.
Tila kinubkob ng krisis at tensiyon ang Senado. Kasabay ng pagdating ng impeachment articles mula sa House of Representatives ay umugong din ang usapin ng destabilization at mga alegasyon ng kudeta. May bantang pagsasampa ng kaso laban sa ilang miyembro ng mayorya, at may girian sa pagitan ng iba’t ibang bloke ng mga senador.
Habang pagod, asang-asa, at sawang-sawa na ang mga Filipino sa walang katapusang bangayan at drama sa politika. Ang gusto ng ordinaryong Juan at Maria: resulta, totoong serbisyo, at mga institusyon ng gobyerno na talagang nagtatrabaho.
Kaya naman nang umarangkada agad ang bagong liderato ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano. Hindi alintana ang mga batikos, dalawang mahahalagang usapin ang agad nitong tinutukan: ang mainit na impeachment proceedings at ang muling imbestigasyon sa bilyon-bilyong pondo ng flood control.
At dahil nasa Filipinas tayo, awtomatiko ang mga kritiko — duda at intriga agad ang inuna. nang magkaroon ng Senate leadership change. Kesyo may ‘hidden agenda’, may lutuan, o panggigipit sa politika. Ang bilis nating mag-conclude, ‘di ba? Pero bago tayo magpadala sa mga haka-haka at chismis sa tabi-tabi, mas maganda sigurong latagan muna natin ng resibo ang taong-bayan kung ano na ba talaga ang totoong nagawa.
Sa madaling salita, hindi simpleng transition ang hinarap ni Cayetano kundi isang Senado na nasa gitna ng political siege.
Pero imbes matulala o magpatianod sa ingay ng politika, agad gumalaw ang bagong liderato.
Sa usaping impeachment, hindi nagpatumpik-tumpik ang liderato ni Cayetano. Hindi ito ibinaon sa limot, hindi pinatagal sa kung anong komite, at lalong hindi inatrasan. Nang makarating ang mga artikulo ng impeachment sa Senado, agad ginalaw ang makinarya para masigurong handa ang Senado na gampanan ang kanilang papel sa ilalim ng Konstitusyon.
Dapat aminin, ganyan talaga ang inaasahan sa kanila bilang mga halal ng bayan.
Hindi na rito usapin kung pabor o kontra sa napatalsik o patatalsiking opisyal. Ang punto rito ay ang batas. Ang Konstitusyon mismo ang nag-atas sa Senado na maging isang “Impeachment Court”. Ang trabaho ay hindi para takasan ang proseso o sumuko dahil naiipit sa pressure ng politika. Ang trabaho ay tanggapin ang kaso, ayusin ang rules, himayin ang bawat ebidensiya, pakinggan ang depensa at ang panig ng tagausig, at magdesisyon base sa kung ano ang legal at tama. Sa mabilis na pag-usad nito, malinaw na hindi matatawag na ‘tamad’ o ‘duwag’ ang bagong liderato.
Kasabay ng ingay ng impeachment, binuweltahan din ng bagong liderato ang isang isyung bawat Filipino ay apektado — ang baha.
Bumuo ng isang dedikadong flood control subcommittee sa pamumuno ni Senador Rodante Marcoleta. E ‘di siyempre umulan na naman ng kritisismo.
Noong una pa lang, malinaw na ang mandato: walang ‘sacred cows’, walang protektadong interes, at walang exempted sa imbestigasyon.
Kung matatandaan, sinuspendi noon ni dating Senador Panfilo Lacson (na dating namumuno sa Blue Ribbon Committee) ang imbestigasyong ito sa flood control fiasco. Ang masaklap, natengga ang partial report dahil kulang sa pirma ng mga senador para pormal na mai-sponsor sa plenaryo. Pero ngayon, binuhay ni Cayetano. Ang pangako niya: magiging patas ang imbestigasyon at ang “buong katotohanan” ang lalabas — hindi lang kalahating katotohanan, at lalong hindi kasinungalingan.
Tama naman. Kung mag-iimbestiga, huwag mamili ng administrasyon, huwag mamili ng ahensiya, at huwag titingnan kung kapartido o kalaban sa politika. Ang perang nawawala at nasasayang ay pera ng taong-bayan. Hindi ‘yan pamomolitika; ang tawag diyan ay pananagutan!
Sa dulo, ang bagong mayorya sa ilalim ni Cayetano ay hindi huhusgahan sa kung sino-sinong sikat na politiko ang nagtahi ng kanilang alyansa. Huhusgahan sila kung paano nila reresolbahin ang impeachment at ang isyu sa baha.
Sa ngayon, nakikitang hinaharap ito nang direkta imbes magbulag-bulagan. Karapat-dapat itong bigyan ng tsansa.
Kaya hamon din para sa mga nasa minorya (minority). Tantanan ang ugali na sa bawat galaw ng mayorya ay nakakikita ng multo ng sabwatan o krimen. Hindi porke nagbalasa ng mga komite o nagpalit ng mga pinuno ay “power grab” o “atake sa demokrasya” na agad. May tinatawag na “majority rules”. Kaya nga naging mayorya dahil may boto para mag-organisa ng Senado at magtakda ng priority. Ganyan ang demokrasya.
Ang totoong tanong na dapat bantayan ay ito: Paano ba gagamitin ang kapangyarihang iyan?
Kung gagamitin ng grupo ni Cayetano ang puwesto para masigurong patas, malinis, at walang kinikilingan ang impeachment, sige, palakpakan natin. Kung ang subcommittee ni Marcoleta ay magsasagawa ng totoong paghimay kung saan napunta ang buwis ng taong-bayan para hindi laging lumalangoy sa baha ang samabayang Filipino, salubungin ng papuri.
Kung parehong magkamali, sige, punahin ng minorya. Kung may abuso, ibunyag at isigaw. Pero sana, ang kritisismo ay ibatay sa katotohanan at resulta, hindi sa hinala at sariling interes.
Deserve ng mga Filipino ang mas matino kaysa walang katapusang teleserye sa politika. Deserve ng sambayanan ang Senadong hinahayaang magtrabaho at hinuhusgahan base sa kanilang “deliverables”.
Kaya bago sabihing bigo, bago lagyan ng malisya ang bawat hakbang, baka puwedeng patrabahuin muna ang Senado?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com