Trillanes, nagdadrama nga ba nang hindi natuloy sa pagtestigo?

00 Aksyon Agad

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

HINDI man natuloy ang pagkakataon ni ex-Senator Antonio Trillanes IV na magpabida sa Impeachment Court, tila sa media naman niya piniling bumawi. Nagpa-press conference siya at doon nagbitaw ng mga pahayag na salungat sa mismong record ng impeachment proceedings. Ipinipilit pa niyang pinagbawalan siyang tumestigo. Pero kapag binalikan ang mga nangyari, ibang kuwento ang makikita.

Una sa lahat, hindi naman siya pinagbawalan ng Impeachment Court na tumestigo.

Noong September 29, hindi muna naglabas ng subpoena ang Impeachment Court para kay Trillanes. Hindi ito nangangahulugang ayaw siyang patestiguhin ng korte. May sinusunod lang na tamang pagkakasunod-sunod sa pagharap ng ebidensiya.

Nakatakda sanang tumestigo si Trillanes tungkol sa ilang bank records. Ang problema, hindi pa pormal na nagpipresenta sa record ng korte ang mga dokumentong iyon mula sa Anti-Money Laundering Council at sa mga kaugnay na banko.

Hindi puwedeng mauna ang witness bago maiharap ang mismong ebidensiyang kanyang pagtutuunan. Sa madaling salita, hindi puwedeng mauna ang kalesa sa kabayo.

Mismong si Presiding Officer Chiz Escudero ang nagsabi na walang pumipigil sa prosecution na kusang iharap si Trillanes bilang witness. Malinaw na hindi siya disqualified at nananatiling bukas ang posibilidad ng kanyang pagtestigo kung gugustuhin iyon ng prosecution.

Binigyang-diin din ni Senator Ping Lacson na hindi dapat isipin na personal lang na desisyon ni Escudero ang hindi pag-subpoena kay Trillanes. May proseso itong sinunod at may naging sariling desisyon ang prosecution.

Noong October 1, mismong lead prosecutor na si Congresswoman Gerville “Jinky” Luistro ang nag-anunsiyo na pinal na ang desisyon ng kanilang kampo na hindi na ipresenta si Trillanes bilang witness.

Ipinaliwanag ng prosecution na bahagi ito ng kanilang pagsusuri sa kaso, partikular kung kailangan pa ba ang testimonya ng isang witness o kung mauulit lang nito ang mga ebidensiyang naiharap na sa impeachment court.

At higit sa lahat, si Trillanes mismo ang nagsabing siya ang humiling na alisin ang kanyang pangalan sa witness list. Kinompirma rin ito ni private prosecutor Lorna Kapunan.

Kung pagsasama-samahin ang mga pangyayari, malinaw naman ang naging takbo. Hindi siya pinagbawalan ng korte na tumestigo. Hindi muna naglabas ng subpoena dahil hindi pa naihaharap ang mga bank records na kailangan niyang tukuyin o patunayan.

Pagkatapos, prosecution mismo ang nagdesisyong hindi na siya ipresenta. At higit sa lahat, si Trillanes mismo ang humiling na alisin ang kanyang pangalan sa witness list.

Kaya mahirap unawain ang mga pasaring na para bang isinara ng korte ang pinto sa kanyang pagtestigo. Nasa record naman ang nangyari. Walang ban. Walang disqualification. May proseso, may naging desisyon ang prosecution, at may sarili rin kahilingan si Trillanes.

Mahalagang malaman ang totoong kuwento dahil kredibilidad ng buong impeachment process ang nakataya rito. Hindi ito dapat paglaruan o baluktutin.

Sa loob ng Impeachment Court, ebidensiya ang dapat magsalita. Sa labas nito, ganoon din dapat. Kung katotohanan ang hinahanap sa loob ng korte, katotohanan din sana ang pairalin sa pagkukuwento sa labas nito.