ANG HIGANTENG PAX SILICA (Unang Bahagi)
Ang 3 gigawatts at malaking pangangailangan sa tubig — sino ang magbabayad sa ambisyong industriyal?

PADAYON

PADAYON
ni Teddy Brul

SA GITNA ng tumitinding kompetisyon sa pagitan ng Estados Unidos at China para sa kontrol sa artificial intelligence (AI) at semiconductor supply chains, inilalatag ngayon sa New Clark City, Capas, Tarlac ang proyektong Pax Silica — isang 1,620-ektaryang economic security zone at AI-native industrial hub na binuo sa pakikipagtulungan ng Filipinas at Amerika.

Maganda ang pangako sa papel: libo-libong trabaho at pag-angat ng Filipinas sa pandaigdigang merkado. Ngunit sa likod ng geopolitikal na ambisyong ito, may mabibigat na numerong kailangang busisiin ng bawat Filipino.

Batay sa mga pagtataya at datos na tinalakay sa Senado, kapag umabot sa full build-out ang nasabing industrial hub, mangangailangan ito ng tinatayang 3 gigawatts (GW) na koryente at 65 hanggang 90 milyong litro ng tubig bawat araw (MLD) — katumbas ng 23.7 bilyon hanggang 32.85 bilyong litro bawat taon.

Ano ang ibig sabihin ng mga numerong ito sa simpleng salita?

Ang 3 gigawatts (o 3,000 megawatts) ay katumbas ng halos 20 porsiyento ng kasalukuyang peak demand ng buong Luzon grid. Ang paggawa ng silicon wafers, microchips, at pagpapatakbo ng mga AI data centers ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na koryente — 24 oras bawat araw, pitong araw bawat linggo, nang walang kahit isang segundong pagkurap.

Sa usapin naman ng tubig, ang kasalukuyang kapasidad ng New Clark City ay nasa 20 MLD (o 7.3 bilyong litro kada taon) lamang. Ibig sabihin, ang pangangailangang 65 hanggang 90 MLD ay tatlo hanggang apat na beses na mas malaki sa kasalukuyang suplay ng lugar.

Higit pa rito, hindi ordinaryong tubig na dumadaloy sa gripo ang kailangan sa paggawa ng semiconductors kundi Ultra-Pure Water (UPW) — tubig na dumaan sa matinding pagsala na mas malinis pa kaysa iniinom natin.

Dito pumapasok ang tinatawag ng mga siyentipiko na Water-Energy Nexus — ang katotohanang hindi maaaring paghiwalayin ang tubig at koryente. Upang makagawa ng 1,000 litro ng Ultra-Pure Water, kailangan ng hanggang 1,600 litro ng hilaw na tubig at matinding koryente para sa high-pressure pumping at filtration. Sa kabilang banda, ang mga cooling systems ng AI data centers at ang mga itatayong baseload power plants (gaya ng planong Liquefied Natural Gas o LNG plant) ay nangangailangan din ng malaking bulto ng tubig upang hindi mag-overheat. Kapag kinulang ang isa, siguradong mapipilayan ang isa pa.

Tiniyak ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na magtatayo sila ng sariling embedded power plants (kabilang ang 500-MW solar-plus-storage project) at gagamit ng open surface water mula sa mga ilog sa Central Luzon imbes groundwater extraction upang hindi agawan ng suplay ang bawat tahanan at mga sakahan.

Ang tubig na isusuplay sa planong industrial hub ay planong kunin mula sa Bangut River, dalawang iba pang kalapit na ilog (gaya ng O’Donnell River at Abacan River), at sa pamamagitan ng isang rainwater / surface water harvesting system.

Sa panahon ng tagtuyot:

Daloy ng tubig sa mga Ilog, sapat ba?

May isa pang mahalagang usaping kailangang isaalang-alang sa planong pagkuha ng tubig mula sa mga ilog sa paligid ng New Clark City: ang pabago-bagong dami ng tubig na dulot ng pana-panahong pagbabago ng klima.

Sa Climate Outlook para sa Nobyembre 2026 hanggang Abril 2027, kinompirma ng DOST-PAGASA ang presensiya ng Very Strong El Niño na inaasahang magpapatuloy hanggang unang kalahati ng 2027 mula sa rurok bago matapos ang 2026.

Kabilang ang Tarlac sa pitong lalawigan sa Luzon na nasa ilalim ng potential dry condition sa pagtatapos ng Nobyembre 2026. Sa projection naman para sa pagtatapos ng Disyembre 2026, kabilang na ang Tarlac sa mga lalawigang maaaring makaranas ng drought o tagtuyot.

Kasabay nito, opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng Northeast Monsoon o Amihan noong 27 Oktubre 2026.

Lalong nagiging mahalaga ang mga babalang ito sa harap ng obserbasyon ng mga katutubong residente ng Sitio Manabayukan. Ayon kay Rome Alingasan, pangulo ng Aeta Ako, Pilipino Inc., kapansin-pansing mababaw at halos natutuyo na ang daloy ng Bangut River ngayong Nobyembre.

Bagama’t wala pang inilalabas na opisyal na real-time water-level measurement para sa mismong Bangut River, mahalagang siyasatin kung paano makaaapekto ang inaasahang kakulangan ng ulan sa rami ng tubig na maaaring makuha mula rito sa mga susunod na buwan.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ng BCDA na kayang magbigay ng Bangut River ng tinatayang 130 hanggang 200 milyong litro ng tubig kada araw (MLD), batay sa kanilang paunang pagtatasa.

Ngunit mahalagang malaman kung ang naturang bilang ay aktuwal na nasukat na daloy ng tubig sa buong taon, o ang kabuuang tinatayang kapasidad lamang ng ilog sa panahon ng tag-ulan. Hindi rin malinaw kung naibawas na rito ang pangangailangan ng mga katutubong komunidad, mga magsasaka, at ang tubig na kailangang manatili sa ilog upang mapanatili ang ekolohikal na balanse nito.

Sa harap ng mga kondisyong ito, mahalagang ilabas ng BCDA ang buong hydrological assessment at ang mga batayan ng kanilang water availability projections — lalo na sa panahon ng tagtuyot at El Niño.

Ang pangamba sa Ilog Bangut at Barangay O’Donnell

Nagpahayag ng pangamba ang mga katutubong residente ng Sitio Manabayukan sa Barangay O’Donnell na maaaring malagay sa panganib ang kanilang akses sa Ilog Bangut — na nagsisilbing pinagkukuhaan ng tubig, pagkain, at kabuhayan para sa mga katutubong pamilya — dahil sa iminumungkahing proyekto.

Batay sa socio-economic profile ng Municipality of Capas, ang Bangut River ay isang mahalagang sangang-ilog (tributary) na umaagos patungo sa Bulsa-Morinones River at O’Donnell River — ang pangunahing sistema ng ilog na nagsusuplay ng irigasyon at tubig sa agrikultura ng bayan.

Narito ang mga komunidad at populasyon, na kalimitan ay umaasa sa daloy ng tubig sa Barangay O’Donnell (upstream):

• Sitio Manabayukan at mga kalapit na sitio. Tinatayang 80 pamilya o 400 estimated population ng sitio, impormasyong ibinahagi ni Alingasan.

Aniya, pabago-bago ang bilang ng aktuwal na residenteng naninirahan dahil sa pana-panahon o matagal na migrasyon para maghanapbuhay sa ibang lugar

• Iba pang sitio at sakahan sa Barangay O’Donnell. Kasama sa mga apektadong lugar sa paligid ng New Clark City zone ang Bangon Donnell at Sichugalo, gayundin ang 92 lokal na magsasaka sa Barangay O’Donnell na nabigyan ng abiso kaugnay ng proyekto.

• Kabuuang Populasyon ng Barangay O’Donnell. Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang buong Barangay O’Donnell ay may kabuuang populasyon na 16,070 katao (base sa 2024 Census) na hinati sa mahigit 4,517 kabahayan.

Bakit mahalaga ang Ilog Bangut sa mga nasabing lugar?

• Walang ibang mapagkukuhaan sa bundok. Para sa mga katutubong Aeta sa matataas na bahagi ng O’Donnell, ang Ilog Bangut at ang mga bukal nito ang pangunahing pinagkukuhaan ng malinis na tubig dahil walang linya ng komersiyal na water district sa kanilang mga sitio.

• Suplay sa Irigasyon. Kapag nabawasan ang volume ng tubig na umaagos mula sa Bangut River patungong O’Donnell River, maaaring humina ang suplay ng patubig sa mga sakahan sa kapatagan ng Capas at hanggang sa ilang bahagi ng Tarlac City lalo na sa panahon ng tag-init.

Binusisi sa Senado: Walang konsultasyon?

Hindi matatawaran ang bigat ng pag-usisa sa Senado: dahil ang open surface water ay direktang nakasalalay sa ulan at panahon, paano masisiguro na kapag dumating ang matinding tag-init o El Niño ay hindi hihina ang daloy ng tubig sa gripo ng mga household consumer at hindi matutuyuan ang irigasyon ng mga magsasaka? At paano papatakbuhin ang 3 GW na pabrika sa gabi kung 500 MW lang ang installed solar capacity? Sino ang sasagot sa bilyon-bilyong pisong gastos sa mga bagong transmission lines, substations, at water infrastructure?

Sa pagdinig sa Senado, inihayag ni Capas Mayor Roseller Rodriguez na hindi kinonsulta ang kanilang lokal na pamahalaan at Sangguniang Bayan bago isapubliko ang proyektong pagtatayo ng nasabing AI industrial hub.

Bagama’t kinikilala ng alkalde ang potensiyal na benepisyo ng teknolohiya at pamumuhunan, kritikal ang paninindigan ng LGU ng Capas dahil sa kakulangan ng koordinasyon mula sa BCDA. Sumulat na rin ang lokal na pamahalaan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., upang ipahinto muna ang proyekto (moratorium) hanggang sa magkaroon ng malinaw at tapat na konsultasyon sa ilalim ng Local Government Code.

Samantala, inihayag ng BCDA na nakatakda silang makipagpulong sa mga opisyal ng Tarlac at Region III upang talakayin ang mga hakbang at plano para sa proyekto.

Ang sentrong tanong

Habang inihahanda ang lupa, linya ng koryente, at mga dam para sa ambisyosong proyektong ito, narito ang sentrong tanong na susuriin natin sa kabuuan ng limang bahaging seryeng ito:

Sa panahon ng lumalalang kompetisyon sa teknolohiya at artificial intelligence, paano titiyakin ng Filipinas na hindi mauuna ang pangangailangan ng malalaking industriya kaysa karapatan ng mamamayan sa abot-kayang tubig, koryente, at pagkain?

Abangan ang ikalawang bahagi: Ang Lupa at Yamang Mineral ng Filipinas: Critical minerals, pagmimina, Aeta ancestral domain, at lokal na value addition. (30)

MGA SANGGUNIAN

1. Philippine Statistics Authority (PSA). 2024 Census of Population (POPCEN): Special Releases on Population – Tarlac Province (Barangays of Capas and City of Tarlac).

2. Municipality of Capas, Tarlac. Socio-Economic Profile – Municipality of Capas, Tarlac. (capas.gov.ph)

3. DOST-PAGASA. Climate Outlook (November 2026 – April 2027) at Press Release on the Onset of Northeast Monsoon (Amihan), 27 Oktubre 2026 (pagasa.dost.gov.ph).

4. Panayam kay G. Rome Alingasan. Pangulo ng Aeta Ako, Pilipino Inc. (Nobyembre 2026).

5. Castillo, Chrislyne Faith. “BCDA assures public as Pax Silica eyes 3-GW daily power demand.” Explained PH, 19 Nobyembre 2026 (explained.ph).

6. Edjen Oliquino ·  – Up 90 million liters of water per day needed for U.S.-backed Pax Silica, says BCDA. Daily Tribune, 14 Agosto 2026

7. Mangaluz, Jean. “Pax Silica plan not consulted with LGU — Capas Mayor.” GMA News, 14 Agosto 2026.

8.  Labor, Analy. “A river, a community and an uncertain future.” Daily Tribune, 13 Nobyembre 2026.