NASAKOTE ang apat katao sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa mga lungsod ng Navotas at Caloocan dahil sa pag-aalok ng mga menor de edad sa mga dayuhan para sa seksuwal na serbisyo sa pamamagitan ng mga online platform.
Sa panayam nitong Martes, 24 Nobyembre, sinabi ni NBI Human Trafficking Division Chief SA Rosalie Laguardia, isinagawa ang mga operasyon at pagdakip sa mga suspek sa mga resort sa Navotas at Caloocan.
Aniya, bagong modus na hindi na sa kanilang mga bahay ginagawa ang krimen ngunit nagrerenta sila ng Airbnb o sa hotel upang hindi matukoy ang kanilang lokasyon.
Nag-ugat ang kaso sa Navotas mula sa isang referral ng isang NGO kaugnay sa mga insidente ng pag-aalok ng mga menor de edad upang magbigay ng mga serbisyong seksuwal sa mga dayuhan kabilang ang mga Amerikano.
Nabatid na online sexual services ang ginagawa ng mga suspek sa simula ngunit kapag regular na kostumer na, aalukin sila na maaari silang magpunta sa bansa at pisikal na gawin ang pang-aabuso sa mga kabataang biktima.
Dagdag ni Laguardia, P1,000 ang sinisingil ng dalawa sa mga suspek mula sa mga dayuhan para sa online na serbisyo at P10,000 pataas para sa personal na serbisyo.
Sa isinagawang entrapment operation sa isang resort sa unang linggo ng Nobyembre, nasagip ng mga ahente ng NBI ang walong biktimang iniaalok ng mga suspek sa mga dayuhan, kabilang ang apat na lalaking menor de edad.
Samantala, isinagawa ang pangalawang entrapment operation sa isang hotel sa Caloocan noong 23 Nobyembre.
Nag-ugat ang kaso mula sa naunang operasyon ng NBI noong Oktubre ng nakaraang taon kung saan nakompiska ang mga electronic gadget mula sa mga suspek.
Nang isailalim sa forensic examination ang mga narekober na gadget, natukoy ng mga awtoridad ang isang kostumer na Canadian national at ang Pinoy na suspek sa human trafficking.
Ipinadala ang impormasyon sa mga awtoridad sa Canada, na nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon at kalaunan ay inaresto ang kostumer na Canadian.
Gayundin, natunton ng NBI ang suspek na napag-alamang iniaalok ang sariling mga anak at mga anak ng kaniyang kapitbahay sa mga dayuhan.
Nasagip ng mga ahente ng NBI ang apat na babaeng menor de edad sa isinagawang operasyon.
Sumasailalim na ang mga nasagip na biktima sa Navotas at Caloocan sa counseling at intervention.
Samantala, sinampahan na ang apat na suspek ng mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at mga batas laban sa online sexual abuse at pang-aabuso sa mga bata.
