NADAKIP ang dalawa katao na pinaniniwalaang sangkot sa insidente ng mga pagnanakaw at panloloob sa tatlong estiblisiyemento sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng madaling araw, 22 Nobyembre.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sapilitang pinasok ng dalawang suspek ang JD and B Petroleum, Auto Services Building at ASKI Microfinance Office sa Brgy. Sapang Putol, sa nabanggit na bayan, na tinangayan ng tinatayang P70,000 cash mula sa mga nasabing establisiyemento.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Gilmore Wasin, hepe ng San Ildefonso MPS, kay P/Col. Jay Baybayan, provincial director ng Bulacan PPO, sa pamamagitan ng masusing follow-up investigation, pagsusuri ng CCTV footage, at pakikipag-ugnayan sa mga saksi at iba pang kaugnay na tanggapan, natukoy ang mga suspek na posibleng sangkot sa insidente.
Dakong 7:15 ng gabi ng parehong araw, nagsagawa ng beripikasyon at operasyon ang mga tauhan ng San Ildefonso MPS, katuwang ang Bulacan Provincial Intelligence Unit, at IOP-RID, RSOG-RID, PRO3, sa San Ildefonso Commercial Complex, Brgy. Poblacion, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kinilalang sina alyas Gil, 38 anyos, at alyas Lyn, 41 anyos.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang kalibre .45 Taurus pistol na burado ang serial number, isang magazine, apat na bala, isang improvised crowbar, at ilang kasuotan na kahalintulad ng mga nakitang suot ng mga sangkot sa kuha ng CCTV sa mga insidente ng nakawan.
Narekober din ng mga operatiba mula kay alyas Gil ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Isinailalim ang mga nakuhang ebidensiya sa wastong dokumentasyon, pagmamarka, at imbentaryo sa lugar ng operasyon saka dinala kabilang ang mga naarestong suspek sa San Ildefonso MPS para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)
