2 menor de edad hinabol, isa nakagat
Fur parent ng German Shepperd patay sa boga ng ‘tagapagtanggol’
Suspek sumuko kay Mayor Isko

Isko Moreno Manila suspek german shepperd dog

PATAY, pagdating sa ospital, ang isang lalaking tagapag-alaga ng isang German Shepperd dahil sa dalawang tama ng bala mula sa baril ng isa pang lalaki na nagtanggol sa dalawang menor de edad na hinabol ng alagang aso ng una sa Paco, Maynila kahapon ng umaga, Martes, 24 Nobyembre.

Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang suspek na si Mark Morales, residente sa kalapit na lugar ng Barangay 810, habang ang biktima ay si Kerchier Salimbangan, residente sa 9th Street corner Aviadores St., Fabie Subdivision, Barangay 810, Paco, Maynila.

Sa naunang ulat ng pulisya, nabatid na hinabol ng alagang German Shepherd ni Salimbangan ang dalawang menor de edad na tinulungan ng suspek na si Morales.

Sinabi ng barangay officials na nagkaayos na ang magkabilang panig at nakatakda nang ihatid sa barangay ang dalawang menor de edad para malapatan ng lunas.

        Sa kabila nito, naiwan sina Salimbangan at si Morales, na napansin ng mga taga-barangay na bahagyang nakainom. Nauwi sa pisikalan ang pagtatalo ng dalawa hanggang bumunot ng patalim ang una at tinangkang saksakin ang huli.

        Nakaiwas si Morales sa unang pananaksak ni Salimbangan, saka mabilis na bumunot ng baril ang una at dalawang beses na pinaputukan ang huli.

Dead on arrival ang biktimang si Salimbangan nang dalhin sa Sta. Ana Hospital sanhi ng tama ng bala ng baril sa kaniyang tiyan at kanang braso.

        Mabilis na tumakas si Morales at iniwan ang kanyang motorsiklo.

Narekober ng pulisya ang dalawang basyo ng bala ng 9mm na baril sa pinangyarihan ng krimen.

Dakong hapon kahapon, sumuko si Morales sa tanggapan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Sa kanyang paskil sa social media, sinabi ni Mayor Isko na: “Nagpapasalamat ako kay Morales dahil nagtiwala siya sa ating pamahalaan at piniling sumuko upang harapin ang pananagutan sa batas.”

Pahayag ng alkalde, “Malinaw ang mensahe natin: Kapag gumawa ka ng krimen sa Maynila, hahanapin ka at pananagutin ka. Walang dapat mag-isip na makatatakas sila sa batas.”

Sinabi ng suspek, ipinagtanggol niya ang kanyang sarili dahil sinusugod siya ng saksak ng biktima at ito ay nakita sa CCTV.

“Hahayaan po nating umusad ang kaso sa tamang proseso ng batas at sa korte,” pagbibigay diin ni Mayor Isko.

“Nakikiramay din po tayo sa pamilya at mga mahal sa buhay ng biktima,” aniya.