ARESTADO ang mag-asawang pinaniniwalaang talamak na tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Cacarong Bata, bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 23 Nobyembre.
Batay sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Darwin Abainza, hepe ng Pandi MPS, kay P/Col. Jay Baybayan, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Kile, 50 anyos, at ang kaniyang 54-anyos asawa, kapwa residente sa nasabing barangay.
Nasamsam sa operasyong inilatag ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Pandi MPS ang apat na sachet ng hinihinalang shabu, may kabuuang timbang na 3.3 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P22,440.
Nakompiska sa mag-asawa ang buybust money, isang sumpak, tatlong bala ng 12-guage shotgun, isang pouch, at isang coin purse.
Isusumite ang mga hinihinalang ilegal na droga sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at drug testing.
Samantala, nakatakdang sampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Section 5, 11, at 26, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (MICKA BAUTISTA)
