SIPAT
ni Mat Vicencio
DAHIL sa kadaldalan ni dating Senator Sonny Trillanes, lumalabas tuloy ngayon na merong ginagawang pakikialam si Pangulong Bongbong Marcos, Jr., para sa dapat na patutunguhan o direkyon ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Matapos hindi maisalang bilang isang witness, nagsimula nang ‘mag-tantrums’ si Trillanes. Sa isang interview, hindi makontrol ang bunganga ng dating senador at kung ano-ano ang sinasabi nang hindi man lamang iniisip ang implikasyon ng kanyang mga binibitiwang salita.
Sabi ni Trillanes… “Ako, nire-remind ko itong si Presiding Officer Chiz Escudero na kaya s’ya nandyan, unang-una ay dahil pinagbibigyan s’ya dahil kailangan. Pero, paalala ko lang sa mga kababayan natin na meron kasong plunder ito na nakabinbin.”
Ang ibig bang sabihin ni Trillanes ay isang ‘deal’ ang pagkakatalaga kay Chiz bilang presiding officer ng impeachment court para bantayan ang trial laban kay Sara? At sa sandaling magkamali ito ay kaagad na kakalkalin ang kasong plunder na nakasalang sa Ombudsman?
Mapanganib ang mga pahayag ni Trillanes, para kasing ang nangyayaring impeachment trial ay merong direktang panghihimasok ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Kalaban ba ni Trillanes si Bongbong?
Matatandaan noong isang linggo ay nagdesisyon ang prosekusyon na hindi na iharap bilang testigo si Trillanes sa impeachment trial. Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, si Sonny na ang nagsabing hindi na siya haharap.
Pero sa kanyang presscon, sinabi ni Trillanes na siya nga ang tumangging huwag nang humarap sa trial para maiiwas ang prosecutors sa mga “pressure” na hindi naman tinukoy ng dating senador.
Ang siste, pinalabas pa ni Trillanes na hinaharang ni Chiz ang pagharap niya sa impeachment trial na mariin namang itinanggi nina Senador Ping Lacson at mismong si Senate President Sherwin Gatchalian.
Ayon kina Ping at Sherwin, collective decision ang ginawang hindi pag-subpoena kay Trillanes at hindi ito base lang sa desisyon o kagustuhan ni Chiz.
O, malinaw, sopla ka na naman. ‘Wag mo na kasing bulabugin ang tabakuhan!
