P496.4-M droga nasabat ng PDEA NAIA-IADITG sa NAIA Cargo Facility

P496.4-M droga nasabat ng PDEA NAIA-IADITG sa NAIA Cargo Facility

NASABAT Sa isang pinagsamang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at iba pang ahensiyang nagpapatupad ng batas ang kilo-kilong methamphetamine hydrochloride mas kilala sa tawag na shabu, nagkakahalaga ng P496,413,600, sa Express Cargo Clearance Facility (ECCF), Pair-Pags Center, NAIA Complex, Pasay City.

Ang droga ay nakatago sa isang papasok na parsela ng pelletizing machine.

Isinagawa ang operasyon noong 2 Oktubre 2026, dakong 10:10 ng umaga, sa pangunguna ng NAIA-IADITG katuwang ang mga tauhan mula sa PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR), Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF), PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), at Bureau of Immigration (BI).

Nagresulta ang operasyon sa pagkakadiskubre ng isang papasok na parsela na idineklara bilang ‘pelletizing machine’.

Sa pagsusuri, natuklasan ng mga awtoridad ang ilang pakete na nakatago sa loob ng nasabing industrial machine, naglalaman ng puting crystal substance na pinaghihinalaang shabu, may kabuuang timbang na halos 73,002 gramo.

Nagmula ang parsela sa Mexico at nakapangalan sa isang indibiduwal sa Parañaque City.

Ang mga nakompiskang mapanganib na droga ay dadalhin sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 —kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 — upang isampa sa korte laban sa taong pinadalhan nito. (ALEX MENDOZA)