INOOBSERBAHAN at ginagamot ang mga paso at sugat ng apat katao na magkakaanak kasama ang isang paslit at isang sanggol matapos tamaan ng kidlat habang sakay ng motorized banca at naglalayag sa gitna ng dagat na sakop ng Sitio Tugbungan, Barangay Tugbo, Masbate City, Masbate kamakalawa ng hapon.
Napinsala ng first degree burn at isinugod sa Diocesan Hospital ang mga biktima na kinilalang sina Loida, at mga anak na mahigit isang taong gulang, at 6-buwang sanggol.
Sugatan din ang lalaking skipper ng bangka na si alyas Albert; pawang residente sa Barangay Nursery ng naturang lungsod.
Sa ulat, dakong 4:00 ng hapon naglalayag ang mga biktima sa karagatan lulan ng motorized banca patungong Barangay Nursery mula sa Tugbungan Port. Habang nasa laot, may 8-kilometro ang layo mula sa Masbate City Proper sinabing biglang kumidlat.
Sa kasamaang palad, nasapol ang hawak na payong ni Loida at tumagos ang malakas na koryente sa kanyang katawan habang kalong ang 6-buwang gulang na anak katabi ang mahigit isang-taong bata, at ang kaanak na skipper.
Mabilis na sinaklolohan ng mga nakasaksi ang mga biktima at isinugod sa pagamutan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com