NASUNGKIT nina Filipino-American tennis player Christopher Papa at ng batang lokal na manlalaro na siTennielle Madis ang kampeonato sa kani-kanilang dibisyon sa kauna-unahang Palawan Open na ginanap sa Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Maynila noong Linggo.
Pinatunayan ni Papa ang kanyang husay matapos talunin si Alberto Lim Jr., 6-4, 6-4, sa men’s singles final. Dahil sa kanyang tagumpay, naiuwi niya ang pangunahing gantimpalang nagkakahalaga ng ₱300,000.
Hindi lamang sa singles nagningning si Papa. Kasama si Francis Casey Alcantara, nasungkit din niya ang men’s doubles crown matapos manaig laban kina Eric Jed Olivarez at Nilo Ledama sa iskor na 7-6(4), 6-3.
Samantala, nagpakitang-gilas ang 18-anyos na si Madis ng Philippine Tennis Academy nang talunin niya si Marian Capadocia, 6-2, 7-6 (7-5) upang makuha ang women’s singles title at ang ₱150,000 na premyo.
Nakamit din ni Madis at ng kanyang kaparehang si Stefi Marithe Aludo ang women’s doubles championship matapos dominahin ang magkapatid na Kaye-Ann at Mica Emama, 6-0, 6-2.
Sa mixed doubles naman, nanaig sina Alcantara at Capadocia laban kina Madis at Ronard Joven sa dikit na laban na nagtapos sa iskor na 6-2, 4-6, 16-14.
Muling pinatunayan ng Palawan Pawnshop ang matatag nitong suporta sa pag-unlad ng tennis sa bansa. Ang Palawan Open 2026 ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Gentry Timepieces, Palawan Pawnshop, at pinangasiwaan ng Philippine Tennis Association (PHILTA), at Universal Tennis Rating (UTR). Kabilang naman sa iba pang sponsor ang Dunlop bilang official tennis ball at Inspiro Liberty Insurance.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com