DALAWANG high-value individuals ang naaresto sa pinaigting na kampanya ng Police Regional Office 3 (PRO3) laban sa ilegal na droga at nakompiska ang mahigit 410 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱2.79 milyon sa magkahiwalay na buybust operations sa Pampanga at Nueva Ecija.
Sa pinakahuling operasyon ay inaresto ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 3 (RPDEU3) at Regional Special Operations Group 3 (RSOG3), sa tulong ng San Fernando City Police Station at sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3, ang isang
45-anyos lalaki, na nakatala bilang high-value individual, sa isang buybust operation sa Brgy. San Jose, San Fernando City, Pampanga kamakalawa, 1 Hunyo.
Nak0mpiska mula sa suspek ang 350 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price (SDP) na ₱2.38 milyon, kasama ang buyust money, isang cellular phone, at iba pang ebidensiya hinggil sa droga.
Samantala sa Nueva Ecija ay naaresto ng mga operatiba ng Talavera Municipal Police Station ang isa pang high-value individual sa isang buybust operation sa Brgy. San Miguel na Munti, Talavera nitong 31 Mayo 2026.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakasamsam ng halos 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱408,000 at ang pagkakaaresto sa isang 30-anyos delivery rider mula sa Pasig City.
Kasunod nito, pinuri ni PRO3 Regional Director PBGeneral Jess B. Mendez ang operating unit para sa matagumpay na operasyon at inulit ang matatag na paninindigan ng organisasyon laban sa ilegal na droga.
Aniya, binibigyang-diin ng kambal na operasyon ang patuloy na pangako ng PRO3 na panatilihing ligtas ang Gitnang Luzon sa pamamagitan ng agresibong mga pagsisikap sa pagpapatupad ng batas at ang paghahatid ng “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman”. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com