BINURA kagabi, Martes, 2 Hunyo 2026, sa roster ng mga miyembro ng Kamara si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga bilang pinal na hakbang ng pagpapatalsik sa kanya dahil sa mga ipinapaskil niya sa social media laban sa institusyon ng gobyerno at mga kilalang personalidad kabilang ang mga kapwa niya mambabatas.
Sa majority votes na 265 pabor, 14 tutol, at 8 abstain, ganap na napatalsik bilang miyembro ng Kamara si Barzaga na ang pangunahing rason ay “disorderly behavior” at “misconduct” na hindi nararapat bilang mambabatas.
Kasunod ang pagpapatalsik kay Barzaga ng Committee Report No. 298 na iniharap ni House Committee on Ethics Chairman Rep. Jonathan Clement (JC) Abalos kaugnay ng disorderly behavior at conduct unbecoming a member of the House of Representatives sa panibagong ethics complaint na inihain ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.
“After deliberation on the case, the Committee found Rep. Francisco “Kiko” A. Barzaga of the Fourth District of Cavite to have committed disorderly behavior and conduct unbecoming of a Member of the House of Representatives,” saad ni Abalos sa paglabag ni Barzaga sa panuntunan ng Kamara at Section 4 ng Republic Act No. 6713.
Ikatlong pagkakataon ito na pinatawan ng kaparusahan ng Kamara si Barzaga na unang pinatawan ng 60-araw suspensiyon mula 1 Disyembre 2025 sa kasong disorderly behavior at misconduct.
Nakabalik si Barzaga noong 30 Enero 2026 pero muling pinatawan ng suspensiyon nang karagdagang 60 araw noong 4 Pebrero 2026 dahil sa patuloy na pagpapaskil ng mga malisyoso at mapanirang mga pahayag na nakasisira sa imahen ng Kamara.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com