MARIING pinuna ng ilang miyembro ng House prosecution panel ang naging sagot ng kampo ni Vice President Sara Duterte – Carpio sa Articles of Impeachment na malinaw anilang ‘pagtakas sa paglilitis’.
Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, lead prosecutor para sa Article 2 (betrayal of public trust at unexplained wealth), walang direktang tugon si Duterte sa mabibigat na paratang, lalo na sa Article 4 na tumutukoy sa grave threats.
“Hindi deretsong sinagot ng Vice President ang banta laban sa Pangulo — isang aktong ginawa sa kanyang termino at lantad sa publiko,” ani Ridon.
Samantala, tinawag ni ML Partylist Rep. Leila De Lima, second lead prosecutor para sa Article 4, ang sagot ni Duterte bilang “evasion of trial”.
“Pag-iwas pa rin sa trial ang buod ng answer ni VP Sara. Hindi sila nagpakita at nagpaliwanag sa Kamara, at ngayon naman ay ipinadi-dismiss nila sa Senado ang kaso nang hindi pa napakikinggan ang mga testigo at ebidensiya,” mariing puna ni De Lima.
Aniya, malinaw sa Konstitusyon na ang Senado lamang ang may kapangyarihang maglitis at magpasya sa impeachment.
Ganito rin ang punto ni Akbayan Rep. Chel Diokno, second lead prosecutor para sa Article 2.
Aniya, “kung walang itinatago, bakit ayaw ng trial? Sundin ang Konstitusyon, sundin ang due process. Walang special treatment sa mata ng batas.”
Ayon kay Atty. Michael Poa, lead counsel ng depensa, ang pagsusumite ng sagot ay patunay na hinaharap na ni Duterte ang mga paratang.
“The fact that we filed an answer now, hinaharap na ni VP ang mga paratang laban sa kanya,” pagtatanggol ni Poa.
Sinabi ng House prosecutors na kanilang mariing tututulan ang kahilingan ni Duterte na i-dismiss ang impeachment case.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com