AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
KAKAIBA ang Senado ngayon, magulo dahil lumalabas o unti-unti nang nabubuko ang makasariling interes ng ilang Senador para maisalba ang ilang kasamahan sabit sa…sa ano? Mamaya at huwag mainip…at sa patuloy na pagbabasa ninyo my dear fellow Filipino, malalaman ninyo kung saan kasong sabit ang ilang Senador na indirectly isinasalba ng ilang Senador na kanilang kapanalig.
Simula nang maupo bilang bagong Senate President si Alan Peter Cayetano, araw-araw at pansin ito maging ng ordinaryong mamamayan na lumalala ang situwasyon sa Mataas na Kapulungan.
Kapansin-pansin na grabe na ang ang bentahan at sakalan sa politika ngayon. Bastusan na ang nangyayari. Obvious na obvious ang lantarang gapangan, bastusan, at panggigipit.
Pero sa kabila ng lahat, ibang klaseng paninindigan mayroon si SP Cayetano lalo nang ihayag niyang… “Hindi luluhod ang mga tala este, ang Senado!”
Sa totoo lang ha, ang gulo o away sa Senado ay hindi na usapin ng mga naghuhuramentadong leader (kuno) at sa halip ang totoong apektado dito ay tayong mamamayan — nakataya rito ang interes ng mga ordinaryong mamamayan. Bakit naman e samantala away politiko naman iyan? Tama ka sa tanong pero ito ang dapat na malaman mo Ginoong Juan Dela Cruz.
Dahil kapag ang Senado ay naging sunud-sunuran at naging sunod-sunod ang pag-atake at banta ng pag-aresto sa mga senador — gaya nina Sen. Jinggoy Estrada, Chiz Escudero, Rodante Marcoleta, at Joel Villanueva, ang talo dito ay tayong mga ordinaryong Filipino. Ganoon ba iyon? Teka naman, tayong mamamayan ang higit na kawawa.
Isipin ninyo, hindi ba sunod-sunod ang panggigipit ngayon sa bagong mayorya sa Senado? Bakit? Ito lang naman ay dahil nag-umpisa na silang mag-imbestiga sa bilyon-bilyong flood control scam at sa mga kontratistang kasabwat ng ilang kongresista.
Ano na ang nangyari sa mga bilyong ninakaw umano ng mga tulad ni Henry Alcantara? Bakit parang may mga natatakot mabulgar ang katotohanan kaya idinaraan sa pressure politics at takutan sa Senado?
“The Senate is a co-equal branch of government. It is not a prize to be claimed — by anyone,” pahayag ni SP Cayetano.
Kaya kung susuriin ang pahayag ni SP, malinaw ang punto niya at pabor ito sa taong-bayan. Hindi niya sinabing itago ang mga may kasalanan. Ang batas ay batas, at kung may kasalanan si Sen. Jinggoy o kahit sino, dapat silang managot sa tamang proseso.
Pero ang mali ay ang gawing teleserye at sarsuwela ang pagpapatupad ng batas para lang buwagin ang bagong liderato ng Senado.
Ang mangyayari kasi, kapag hinayaan patakbuhin ang Senado ng takot, ng ingay sa social media, at ng panggigipit ng ibang sangay ng gobyerno, mawawalan tayo ng tagapagtanggol. Bakit naman tayo mawawalan?
Heto ang dapat na malaman po ninyo mga kababayan, ang Senado ang nagsisilbing “checks and balances” — sila ang pumipigil sa pang-aabuso sa kapangyarihan. Kaya kung sila ay luluhod, sino pa ang tatayo para sa karapatan ng mahihirap?
Kaya masasabing tama lang ang panawagan ni SP Cayetano na magkaisa at ‘manahimik’ muna ang Senado bilang simbolikong protesta. Isang paraan ito para mapaisip ang buong bansa — “Bakit kailangang patahimikin at gipitin ang isang independiyenteng institusyon?”
‘Ika nga, ang malayang Senado ay hindi diktador, hindi rin sunud-sunuran. Nag-iisip ito para sa kapakanan ng bayan. Kung masasanay ang Senado na gumalaw dahil lang sa takot, hindi na ito Senado, yes — kung hindi isa na lang itong institusyong nakaluhod habang nagpapanggap na malaya. Iyan ba ang gusto mo Mr. Juan Dela Cruz?
Kaya kapag tuluyang lumuhod ang bagong liderato ng Senado, ang susunod na babagsak ay ang ating Republika. So, sa madaling salita, kung pagbabasehan natin ngayon ang panindigan ni SP Cayetano, nararapat siguro na suportahan ang bagong lider ng Senado lalo na para sa interes ng bayan ang kanyang prayoridad.
Protektahan natin ang ‘kalayaan ng Senado’, dahil ang kalayaan nila ay kalayaan at proteksiyon din nating mga ordinaryong Filipino.
Basta tandan, tayong mga Filipino ang dapat na nagpapasya para sa ating kinabukasan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com