AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SIMULA nang mapalitan ang liderato ng Senado matapos mapatalsik sa trono si dating Senate President (Senator) Tito Sotto, lalong lumobo ang negatibong kritiko sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Hindi lingid sa kaalaman ng bayan, ang mga kaganapan sa Senado bago ang botohan para sa pag-upo ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President. Nandiyan ang mala-pelikulang habulan blues kay Senator Bato Dela Rosa. Ang ‘putukan blues’ – under attack ang Senado. Ang iba’t ibang eskena – Sen. Padilla vs Sen, Kiko Pangilinan. Ang ‘pagtakas’ ni Bato, eksena ni Sen. Pia Cayetano at Sen. Loren Legarda at ang walkout blues ng tropang minority.
Sa mga nasaksihang eskena, hindi mo masisisi ang publiko sa kanilang negatibong komento. Pinaglaruan pa nga sa Tiktok ang mga eksena…ikinumpara sa mga teleseryeng drama sa telebisyon.
Nakasasawa na ang teleseryeng politika – sa tuwing bubuksan mo ang telebisyon o sa social media, walang katapusang bangayan, at mga personal na interes ang nakahain.
Ang nagiging kawawa dito ay tayong taong-bayan na naghahanap ng totoong serbisyo. Pero sa kabila ng lahat, sabi ng marami ay mabuti na lamang at bago na ang liderato ng Senado.
Isang malaking kaginhawaan daw ang dala ng liderato ni Cayetano.
Hindi nagpaapekto si Cayetano sa mga intriga at destabilisasyon na sumalubong sa kanyang pag-upo. Ginantihan niya ito ng trabaho – “aksiyon” at “deliverables” – mga inaasahang output.
Alam naman natin na hindi biro ang kinaharap na political siege ng Senado nitong mga nagdaang linggo. Nandiyan pa iyong masalimuot na usapin sa mga komite, at ang pagdating ng mabigat na responsibilidad mula sa Kamara — ang mga artikulo ng impeachment.
Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Senado ay may sagradong tungkulin na magsilbi bilang isang impeachment court. Ito ay hindi usapin ng kung sino ang kakampi o kaaway kung hindi ito ay usapin ng batas. Dito nakita ang political will ni Cayetano. Hindi niya isinantabi ang impeachment, hindi pinatagal sa kung anong komite, at lalong hindi inatrasan dahil sa takot sa pressure ng politika. Agad na pinagulong ang makinarya ng Senado para ayusin ang rules at tiyaking magiging patas, malinis, at walang kinikilingan ang proseso.
Sa mabilis na pag-usad na ito, pinatunayan ng bagong mayorya na hindi sila duwag sa pagharap sa mga sensitibong isyu. Hindi lang sa impeachment nagpakita ng ngipin ang bagong liderato. Binuhay din ni Cayetano ang tila pinatulog na kaso – ang kuwestiyonableng bilyon-bilyong pondo ng flood control.
Mistula kasing nabaon na sa limot ang imbestigasyon pero sa ilalim ng bagong Senado, natuwa si Juan Dela Cruz dahil binuhay ito sa pamamagitan ng isang nakatutok na subcommittee na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta.
Malinaw ang kautusan dito ni Cayetano, walang sacred cows, walang protektadong kapartido, at ilalabas ang buong katotohanan dahil ang perang nawawala sa baha ay mula sa pawis at buwis ng taong-bayan at hindi ito pera ng politiko.
Hindi naman masamang punain ang bagong liderato. Demokrasya iyan! Pero hayaan muna natin sila sa kung paano nila tatapusin ang impeachment nang may kredibilidad, at kung paano nila pananagutin ang mga kurakot sa flood control projects. (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com