
HAYAGANG kinuwestiyon ni Senate President Alan Peter Cayetano ang legalidad ng pagluklok ng kaniyang mga kasamahan kay Senador Win Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore, habang pinaninindigan na siya pa rin ang lehitimong pinuno ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
Sa isang livestream, binigyang-diin ni Cayetano na walang bisa at labag sa Saligang Batas ang ginawang hakbang ng 12 senador dahil sa kawalan ng mayorya o quorum upang magpatupad ng pagbabago sa liderato.
Ayon kay Cayetano, kinakailangan ang boto ng 13 senador — ang itinuturing na mayorya sa kabuuang 24 miyembro ng Senado — bago mapatalsik ang nakaupong opisyal o makapaghalal ng bago alinsunod sa nakasaad sa Konstitusyon.
“Paano nila aalisin si Sen. Loren Legarda kung 12 lang po sila?” giit ni Cayetano, na tumutukoy sa pinalitang Senate President Pro Tempore. “Wala silang 13. ‘Pag may 13 po sila, ako pa mag-vote sa kanila… Pero wala silang 13. You’re playing around with fire. This is not just about the Senate, this is about the Philippine Constitution,” pahayag ni Cayetano sa social media.
Aniya, opisyal na nag-adjourn ang Senado noong nakaraang Martes matapos mag-walkout ang kanilang kampo, at nakarekord na magbabalik ang sesyon sa ganap na 5:00 ng hapon ngayong araw, Huwebes.
Sinalungat ni Cayetano ang katuwiran ng kabilang panig na mayroon silang tinatawag na “continuing quorum”.
Paliwanag niya, sa ilalim ng Subparagraph C ng Section 4 ng mga panuntunan ng Senado, maaari lamang gampanan ng Pro Tempore ang pagiging acting Senate President kung ang nakaupong pinuno ay nag-resign, natanggal sa puwesto sa pamamagitan ng sapat na boto, namatay, o nakaranas ng absolute incapacity.
“Hindi po tayo nag-resign, removal — hindi po nila ako naalis. Buhay pa naman po siguro ako, hindi po AI ito… Absolute incapacity — siguro naman po nakikita n’yo, nakapag-iisip po ako, nakapagsasalita po ako,” giit niya upang patunayang walang legal na batayan ang ginawang pagluklok sa bagong opisyal.
Aniya, una niyang binalaan ang publiko ukol sa situwasyong ito, partikular na noong ipaliwanag niya ang paggamit ng parliamentary tool na hindi pagpapakita sa sesyon upang harangan ang quorum.
Inakusahan ng senador ang kabilang kampo na ginagamit lamang ang dahilan na “naipit ang mga trabaho” sa Senado upang bigyang-katuwiran ang biglaang balasahan sa mga komite.
Sinabi ni Cayetano, ang tunay na layunin ng pagbabago sa liderato ay upang harangin ang nakatakdang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersiyal na flood control scam, kung saan nakatakda sanang imbitahan ang 18 miyembro ng Philippine Marines.
Inupakan niya ang ginawa ng 12 senador na baguhin ang mga komite “para walang blue ribbon committee hearing bukas”.
Bagamat nagpalabas na ng advisory si Cayetano para sa sine die adjournment o opisyal na pagtatapos ng regular na sesyon, tiniyak niyang magpapatuloy ang mga nakatakdang pagdinig ng kaniyang komite upang pakinggan ang mga testimonya ukol sa anomalya bago pa man mag-umpisa ang mga proseso ng impeachment sa bansa.
“”Tomorrow, tuloy ang hearing ng Blue Ribbon Committee. You can try to stop us but you will be stopping the Filipino people,” aniya.
Nanawagan siya sa mga mamamayan na magsagawa ng prayer vigil sa labas ng Senado at hinimok ang kabilang kampo na magmuni-muni at itama ang kanilang pagkakamali upang mapanatili ang isang independiyenteng Senado. (HATAW News Team)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com