AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAKASISIGURO ka bang magandang kalidad ang nabili mong bigas – iyong walang halo o hinaluan ng mababang kalidad at ang presyo ay “ginto” pa rin?
Maraming traders ang gumagawa o nagpapalusot – kung saan ay inakala natin, na ang nabili natin sa mataas na presyo ay the best rice quality pero hindi naman pala. In short, nagulangan tayo at patuloy na nagugulangan.
Pero huwag mag-aalala dahil mayroong good news ang Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Francisco P Tiu Laurel, Jr. Good news? Anong good news naman iyan? Ang magkakaroon ng forever na libreng dekalidad na bigas ang bawat pamilyang Pinoy? hehehehe…
Hindi naman my dear fellow Filipinos, at sa halip ay bilang na ang araw o matutuldukan na ang masasayang araw nitong mga mandarayang rice traders sa pagpapalusot ng “budol” na sako-sakong bigas sa merkado.
Sa anong paraan naman mawawaksan ang katarantadohang ito ng mga trader? Mawawakasan na ito sa pamamagitan ng makabagong kagamitan na binili ng Bureau of Plant Industry (BPI) na “rice quality analyzer” (RQA) – sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya magkakaroon na ng siyentipikong ebidensiya ang pamahalaan upang habulin, sampahan ng kaso, at ipakulong ang mga mandarambong sa industriya ng bigas na walang awang nandaraya sa mga mamimili at magsasakang Filipino.
Ngayon, sa pamamagitan ng makabagong testing capability ng BPI, magkakaroon na ng resibo ang DA na nakabatay na sa agham. Ebidensiyang hindi na kayang pasubalian ng kahit na sinong tusong negosyante.
Lagot kayong mga makasariling rice traders/retailers. Himas rehas na kayo ngayon. Hindi na kayo makalulusot sa mahabang kamay ng DA.
Makinig kayong mga mandarayang rice traders – ayon kay BPI Director Gerald Glenn Panganiban, kayang himayin ng bagong analyzer ang bawat butil ng bigas: mula sa laki, haba, “chalkiness rate”, hanggang sa “mixing rate” o antas ng pagpapakalat ng pekeng klasipikasyon. O ano, paktay kayo!
Marahil naitanong ninyo ito mga kababayan…”Bakit kailangan bumili ang BPI ng analyzer at ano naman ang kahalagaan nito?” Tulad ng naunang nabanggit, ito ay dahil marami na’ng mandurugas na rice traders ngayon at kailangan nang wakasan ang kanilang bulok na estilo.
Sabi nga rin ni Sec. Tiu Laurel…makatutulong ang bagong testing capability upang maprotektahan ng ahensiya (DA) ang mga mamimili at mga lehitimong kalahok sa industriya laban sa rice adulteration, maling branding, maling klasipikasyon, at iba pang mapanlinlang na gawain sa merkado.
“Magbibigay ito ng mas matibay na kakayahan sa DA laban sa rice adulteration, maling pagle-label, at iba pang mapanlinlang na gawain dahil sa pamamagitan ng siyentipikong ebidensiya na maaaring magamit sa mga imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga lumalabag,” ani Tiu Laurel.
Kaya, kailangan nang wakasan ang tatlong klaseng “rice budol” ng mga mapagsamantalang negosyante – ito iyong rice adulteration; maling branding at maling klasipikasyon.
Ang “rice adulteration” ay ang lihim na paghahalo ng murang imported na bigas sa lokal na bigas para ibenta sa presyong pang-high quality.
Ang “maling labeling” ay ang paglalagay ng mga sikat na brand (gaya ng Dinorado o Sinandomeng) sa mga sako, kahit ang laman ay reject o mababang uri.
Habang ang “maling klasipikasyon” ay ang pagtatago ng totoong kalidad upang makaiwas sa mga regulasyon ng gobyerno.
Sa pamamagitan ng tekholohiyang ito gaya ng binigyang-diin ni Tiu Laurel Jr., ay hindi lang para sa display kung hindi ito ay sandata para sa legal na laban. Ang mga makukuhang datos ay gagamitin bilang matibay na batayan sa mga imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
Ang hakbanging ito ng DA ay napapanahon dahil sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magpatupad ng P50 kada kilong price ceiling sa imported na bigas sa gitna ng national energy emergency.
Alam naman natin ang mga diskarte sa merkado, kapag may kontrol sa presyo, nagiging malikhain ang mga mandurugas upang itago ang kanilang imported na suplay o ihalo sa lokal na bigas para mas kumita kung saan ay dito na magiging kritikal ang papel ng BPI.
Magsisilbing x-ray ang rice analyzer sa mga palengke at bodega upang matiyak na nasusunod ang batas at walang nagaganap na artipisyal na pagmamanipula sa suplay at presyo.
Kaya ngayon sa DA analyzer, makaseseguro na tayo sa kalidad ng bigas na mabibili sa mga susunod na araw sa merkado. Sana! (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com