FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
GAMIT ang kanyang posisyon sa Senado, tila humawak ng pampolitikang granada si Imee Marcos laban sa sarili niyang kapatid. Mas kahawig ito ng isang ligaw na paratang kaysa seryosong babala tungkol sa umano’y “No-el” o walang halalan sa 2028.
Sa kabila ng kanyang kontrobersiyal na presentasyon at mga alegasyon ng lihim na operasyong politikal, wala namang ebidensiya na may ganitong plano. Maging ang Commission on Elections ay tahasang pinabulaanan ang tsismis na ikinalat pa sa mismong Senado.
Hindi na bago ang ganitong pagganap. Noon pa man, kilala si Imee sa paghubog ng sariling imahen. Ngunit ang pagganap bilang whistleblower sa Kongreso ay tila hindi kapani-paniwala sa mata ng publiko.
Siyempre, papalakpakan ito ng kampo ng Duterte bilang patunay ng kanyang tapang laban sa administrasyon ng kapatid. Ngunit para sa marami, ito’y tila masamang pag-arte na sinasabayan ng panatikong paniniwala na binabalewala ang mga isyu ng nakaraan — korupsiyon, EJK, at abuso ng kapangyarihan.
Ang higit na nakalulungkot, ang entablado ng paulit-ulit na dramang ito ay ang Senado mismo.
Sa isang pagkakataon, nasabi ni Pangulong Bongbong Marcos ang saloobin ng marami: pinapanood niya ang Senado “nang may panghihilakbot.” Ang salitang iyon ang akma — hindi dahil sa isang sabwatan upang kanselahin ang halalan, kundi dahil ang kapulungang dapat ay mahinahon at mapanuri ay nagiging pugad ng mga teoryang sabwatan at dramang politikal.
Sa wakas, nagsalita si BBM laban sa kanyang kapatid, tahasang tinawag ang mga alegasyon nito bilang fake news. Kung may nagpakalat man ng ganitong maling impormasyon sa kanya, may dapat managot.
Matagal nang may lamat ang magkapatid — mula sa kanilang hindi pagkakasundo sa Maharlika Fund, mga polisiya sa kalakalan, at mahahalagang appointment. Nang tuluyan siyang kumalas sa kampo ng kapatid at lumapit kay Sara Duterte, lalong tumindi ang hidwaan. Umabot pa sa lantad na pagpapahiya niya sa kanyang “nakababatang kapatid”.
Ngunit tanong: bahagi lamang ba ito ng isang mas malawak na estratehiya? O isang pagtatangkang tiyakin ang kaligtasan ng dinastiyang Marcos lampas 2028?
Anuman ang sagot, ang kahihiyan ay hindi lamang para sa kanila kundi pati sa mga institusyong kanilang kinakatawan. Ang Senado ay tila nagiging isang mababaw na palabas na pinopondohan ng buwis ng mamamayan.
Samantala, si Bongbong ay tila kontentong gampanan ang papel ng “mas mahinahong Marcos” — itinatama ang maling impormasyon habang pinoprotektahan ang kapatid at ang kanilang pangalan.
Sa huli, ang ingay tungkol sa No-el ay hindi tunay na banta kundi isang artipisyal na kontrobersiya upang maghasik ng pangamba at manatiling sentro ng usapan ang uring politikal. Sa 2028, makikita ng mga Filipino ang dramang ito sa tunay nitong anyo — at sana’y maging mas matalino ang kanilang pagpili.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com