SIPAT
ni Mat Vicencio
HIGIT na makabubuti kung kusang magbibitiw na lamang si Senator Alan Peter Cayetano bilang Senate president para muling maibalik ang tunay na kaayusan at pagkakaisa ng Senado.
Ito ang pahayag ni dating Senator Aquilino “Koko” Pimentel III matapos ang sunod-sunod na mga kaguluhan at kontrobersiya simula nang maluklok si Alan bilang pinuno ng Senado noong Mayo 11.
Sabi ni Pimentel, “It would be best if Cayetano voluntarily give up the Senate leadership seat and give it to a better unifier for the good of the chamber.”
Kung tutuusin, tama naman ang panawagan ni Koko na magbitiw na lamang si Alan bilang pangulo ng Senado dahil kung titingnang mabuti ang track record ng senador sa politika, masasabing magulo, kontrobersiyal at batbat ng intriga.
Sino ang makalilimot sa ‘Kaldero ni Alan?’ Ito ang P50 million budget na inilaan para sa pagpapatayo ng isang higanteng torch cauldron na ginamit noong 2019 sa Southeast Asian Games. Marami ang bumatikos sa nasabing ‘kaldero ni Alan’ dahil sa napakamahal ng halaga.
Sino rin ang makalilimot sa ‘P10K Ayuda ni Alan?’ Ito ang tulong sa bawat pamilyang Filipino na ipinangako ni Alan pero ‘napako’ dahil sa isa lamang pala itong legislative proposal.
At sino rin ba ang makalilimot sa nangyaring magulong term-sharing sa speakership nina Alan at Rep. Lord Allan Velasco noong 18th Congress sa Kamara?
Tinangka ni Alan na hindi sundin ang term-sharing para manatili sa kanyang puwesto pero hindi ito pinayagan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at tuluyang iniluklok si Velasco bilang speaker.
Maligalig ang pagkatao ni Alan, at sa bawat pakakawalang salita nito, ay meron iba’t ibang pakahulugan. Matalino bilang politiko at abogado lalo na kung ang kanyang mga pahayag ay sasamahan pa ng salita ng Diyos galing sa Bibliya.
At para sa katahimikan ng lahat, makabubuting magbitiw na lang bilang Senate president si Alan.
Sabi nga ni Matet… takot ako, e!
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com