Monday , November 17 2025
PCCIJ Japan Bulacan

Mga negosyanteng Hapones nagpahayag ng interes mamuhunan sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Mainit na tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga delegado mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry in Japan (PCCIJ) sa kanilang Economic Mission na may temang “Exploring Synergies, Building Strategic Partnership,” ginanap kahapon sa Benigno S. Aquino Jr. Session Hall sa lalawigan.

Binubuo ng mga Japanese business leaders at mga may-ari ng kompanya, pinangunahan ni PCCIJ Chairman Allan C. Reyes ang delegasyon na bumisita sa Bulacan upang alamin ang mga potensiyal na investment opportunities kung saan ang diskusyon sa posibleng kolaborasyon sa lalawigan ay tinalakay kasama sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro, Department of Trade and Industry (DTI), Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) at mga kasaping kompanya nito, gayondin ang mga lokal na katuwang tulad ng San Miguel Corporation at Elsal Ventures.

Binigyang-diin ang matatag na ekonomiya at programang pangkaunlaran ng Bulacan sa pamamagitan ng “Invest Bulacan” at “A Glimpse of Bulacan” audiovisual materials na iprenisinta ni Inh. Randy H. Po, nanunungkulang Puno ng Provincial Planning and Development Office, nagtampok sa malaking potensiyal ng lalawigan pagdating sa pamumuhunan.

Kabilang sa mga lalong nagpapabilis sa pag-unlad ng ekonomiya ng Bulacan ang mga pangunahing proyektong pang-impraestruktura tulad ng New Manila International Airport, na tinalakay sa pamamagitan ng presentasyon ni Raoul C. Romulo, Chief Finance Officer at Treasury Head ng San Miguel Corporation Infrastructure.

Bukod dito, tinalakay din ni BCCI President Corina T. Bautista ang mga pangunahing programa, milestones, at mga posibleng kolaborasyon sa Japanese investors.

Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Fernando sa mga delegado na magiging makabuluhan ang kanilang pagbisita, habang binigyang-diin ang patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na palakasin ang ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor upang makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Bulakenyo.

“Hindi na po isang pangarap na lamang ang maging Investment Powerhouse ang Bulacan,” anang gobernador.

“With its strategic location, excellent infrastructure, and skilled workforce along with the unwavering support of the Provincial Government, Bulacan continues to attract numerous local and international investors, solidifying its status as a premier business destination in the Philippines.”

Samantala, ipinahayag ni Chairman Reyes ang kanyang optimismo sa matatag na potensiyal na partnership sa pagitan ng Japan at Filipinas, kung saan nakikita niya ang malalaking posibilidad kapag pinagsama ang teknolohikal na kahusayan ng Japan at ang galing sa inhinyeriya ng mga Filipino. Ipinunto niya na ang dalawang bansa ay perpektong magkatuwang at tiniyak ang kanyang dedikasyon na maisakatuparan ang nasabing kolaborasyon.

Dagdag ni Reyes, ang delegasyon ng PCCIJ ay hindi pumunta sa Bulacan bilang mga tagamasid o panauhin lamang, kundi bilang mga kaibigan at posibleng mga katuwang at kasamang makikipagtulungan sa hinaharap, dala ang kanilang interes na mas makilala pa ang mayamang kasaysayan ng Bulacan at ang kahusayang bumubuo sa mga industriya nito.

“We are here for a short while, but I hope that in just short visit, we can connect heart to heart and we can still find time to plant seeds so that we can build our Tokyo Banana here,” ani Reyes, na tinutukoy ang official souvenir sweet ng Tokyo bilang simbolo ng mas matatag at mas malawak na ugnayang inaasahang mabubuo sa pagitan ng Japan at Filipinas sa mga susunod na taon.

                Dumalo rin sa PCCIJ Economic Mission sina DTI Regional Director Edna D. Dizon; Cristina C. Tuzon, PCCI Regional Governor para sa Northern Luzon; Maria Cristina V. Valenzuela, OIC-Provincial Director ng DTI Bulacan; Abgd. Mikee Rosales ng San Miguel Corporation; mga pinuno ng tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan na pinangungunahan ni Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino; at iba pang mga lokal na negosyante at kinatawan.

Matapos ang forum, ipinasyal ang mga delegado ng PCCIJ sa isang Hertitage Tour tampok ang mga pook-pasyalan sa Bulacan kabilang na ang Pasalubong Center, Simbahan ng Barasoain, Casa Real Shrine, at Palacio Real de Sto. Niño, na nagtanghal sa mayamang kasaysayan at kultura ng lalawigan na sumasabay sa makabagong pag-unlad ng ekonomiya nito. (MICKA BAUTISTA)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Micka Bautista

Check Also

DOST 3 BulSu Bulacan

DOST Launches Regional STI Fair: Showcases Innovations with Tangible Community Impact

Empowering communities through science and innovation, the Department of Science and Technology (DOST) launched the …

DOST 3 iHUB SARAI CeNTRo AMCen

Central Luzon Enters New Phase of Innovation with Launch of DOST Hubs

The Department of Science and Technology (DOST) formally launched three major facilities that are expected …

DOST bauertek

BauerTek: Central Luzon’s Innovation Champion Heads to Nationals!

MALOLOS CITY, BULACAN – BauerTek Farmaceutical Technologies has clinched the Regional Winner title for Central …

Nartatez PNPA

Sa Gabay ni Chief Nartatez PNPA Iniaangat ang Paghubog ng Bagong Pulis

Umaga ng November 13, 2025, muling pinagtibay ni Acting Chief of the Philippine National Police, …

FPJ Panday Bayanihan Party-list nagkaloob ng Doxycycline sa Dagupan City LGU

FPJ Panday Bayanihan Party-list nagkaloob ng Doxycycline sa Dagupan City LGU

Dagupan City — Personal na isinagawa ng FPJ Panday Bayanihan Party-list ang turnover ng 25 …