INARESTO ang founder ng Gawad Kalinga na kabilang sa most wanted persons sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa bayan ng Angat, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 30 Mayo.
Isinagawa ang pag-aresto ng tracker team ng Provincial Intelligence Unit ng Bulacan PPO, sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company at Angat Municipal Police Station (MPS), kasunod ng nakatutok na operasyon sa pangangalap, paniniktik, at pagsubaybay sa target.
Kinilala ang suspek na si Tony Meloto, 76 anyos, founder ng Gawad Kalinga, na dinakip sa Enchanted Farm, sa Brgy. Encanto, sa nabanggit na bayan.
Kinompirma ni P/Col. Jay Baybayan, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang pagkakadakip kay Meloto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malolos City RTC para sa dalawa bilang ng kasong Qualified Trafficking sa ilalim ng RA 9208, na inamyendahan ng RA 10364 at RA 11862.
Sa bigat ng kasong kinakaharap ng suspek, walang inirekomendang piyansa ang korte para siya ay pansamantalang makalaya.
Kasunod nito, pinuri ni PRO3 Regional Director P/BGen. Jess Mendez ang operating unit para sa matagumpay na operasyon, binanggit ang mahalagang papel ng intelligence sa paghahanap at pag-aresto sa mga wanted person. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com