BINAWIAN ng buhay ng dalawang katao ang nasawi habang dalawa ang sugatan nang masunog ang kanilang bahay sanhi ng malakas na pagsabog sa Brgy. Catmon, sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado ng hapon, 23 Mayo.
Kinilala ni P/Lt. Col. Mark Louie Sigua, hepe ng Sta. Maria MPS, ang mga namatay na biktimang sina William Cunille, 69 anyos, at kaniyang asawang si Imelda, 61 anyos.
Gayundin, kinilala ang mga nasugatang sina Janille Cunille, 29 anyos at Christine Lourie Cunille, 27 anyos, kapwa mga residente ng 0371 Kalsadang Munti, sa nabanggit na barangay.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang mga opisyal ng Brgy. Catmon, huli na nang mag-ulat sa Sta. Maria MPS na nasusunog ang bahay ng pamilya Cunille.
Ayon sa ilang kapitbahay ng mga biktima, naganap ang insidente bago pa mag-4:00 ng hapon nang ang isang malaking tangke ng oxygen tank ay biglang sumabog sa loob ng bahay ng mga biktima.
Ito umano ang naging sanhi upang ang kabahayan ay sumambulat at madaganan ng mga gumuhong bagay ang mga biktima na naging sanhi ng kamatayan ng mag-asawa.
Dumating sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang mga rumespondeng operatiba na naapula na ang apoy hanggang natagpuan sa loob ng nasunog na bahay ang mga biktima.
Nabatid din na bukod sa mga biktima, sunog na sunog ang buong kabahayan at dalawang sasakyan ng pamilya.
Kasalukuyang nagpapatuloy imbestigasyon at halaga ng pinsala, ayon kay fire investigator FO1 Michael John Mercolota. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com