ARESTADO ang isang lalaki matapos magsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng Nueva Ecija Provincial Cyber Response Team dahil sa pananakot at panggigipit sa isang babae gamit ang malalaswang video sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ang suspek na si alyas Randy, 22 anyos, nahaharap sa mga kasong paglabag sa Articles 286 (Grave Coercion) at 315 (Estafa/Swindling) ng Revised Penal Code; RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009), at RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004), lahat ay alinsunod sa Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Kaugnay sa pagkaaresto kay alyas Randy, pinuri ni P/BGen. Bernard Yang, acting director ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang Nueva Ecija PCRT sa matagumpay na operasyon.
Ayon sa opisyal, ang paggamit ng intimate content sa pananakot o pananamantala sa iba ay isang matinding pagkakasala sa batas.
Dagdag niya, ang PNP ACG ay nananatiling matatag sa kanyang misyon na protektahan ang mga biktima at tiyaking mananagot ang mga nang-aabuso.
Hinimok din niya ang publiko na magsalita o iulat ang mga krimeng tulad nito, at tumulong na maputol ang mga kahalintulad na online harassment. (MICKA BAUTISTA)