MATAGUMPAY na naaresto ng pulisya ang anim na indibidwal na na pinaghahanap ng batas sa loob ng isang araw na operasyon sa magkakaibang kaso sa lalawigan ng Bulacan nitong Martes, 17 Hunyo.
Unang nadakip ang isang 46-anyos na lalaki, residente ng Brgy. Upig, San Ildefonso, na nakatalang Top 1 Most Wanted Person sa naturang bayan sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Acts of Lasciviousness in Relation to Section 5(b) ng RA 7610, na inisyu Acting Presiding Judge Alejandria Javier Genota ng Malolos City RTC Branch 17.
Nadakip rin ang isang 42-anyos na lalaking caretaker at residente ng Brgy. Balungao, Calumpit na nakatalang Top 1 MWP ng munisipalidad, dakong 4:55 ng hapon sa Brgy. Meyto, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Rape na inilabas ni Presiding Judge Theresa Genevieve N. Co ng Malolos City RTC Branch 17.
Gayundin, timbog sa tracker team ang isang 49-anyos na magsasaka at residente ng Brgy. Kabayunan, Dona Remedios Trinidad at nakatalang Top 5 MWP sa nasabing bayan dakong 9:00 ng gabi sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa Section 28 ng RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Kasunod nito, isa pang 53-anyos na lalaki na residente din ng Brgy. Kabayunan, DRT, at nakatalang Top 3 MWP sa nasabing bayan, ang naaresto dakong 11:00 ng gabi para sa kasong paglabag sa Section 28 ng RA 10591.
Sa bayan ng DRT pa rin, isang 44-anyos na lalaki, residente ng Brgy. Sabang, Baler, Aurora, ang naaresto ng DRT MPS dakong 12:30 ng tanghali sa nsia ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 9262 Section 5 (e) na inisyu ni Presiding Judge Alejandria B. Javier-Genota, ng Baler RTC Family Court Branch 1.
Samantala, sa lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan, tiklo ang isang 25-anyos na construction worker at residente ng Brgy. Graceville dakong 2:00 ng hapon ng pinagsanib na puwersa ng SJDM CPS, RMFB 3, at PNP Maritime Group, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ma. Gladys Pinky Tolete Machacon, ng San Jose Del Monte MTC Cities Branch 2.
Pahayag ni P/Col. Franklin Estoro, provincial director ng Bulacan PPO, pinatunayan ng kapulisan sa lalawigan ang kanilang masigasig na pagsugpo laban sa kriminalidad. (MICKA BAUTISTA)