SUGATAN ang isang lalakin matapos makipagpalitan ng putok kasunod ang mabilis na pagresponde ng mga awtoridad matapos ang insidente ng pagnanakaw sa isang bahay sa Brgy. Sapang, lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Martes, 17 Hunyo.
Sa ulat na ipinadala kay P/BGen. Jean Fajardo, regional director ng PRO3, dakong 7:00 ng umaga nang maisumbong sa himpilan ng pulisya ang insidente ng pagnanakaw sa tirahan ng isang 40-anyos na lalaking sa nabanggit na barangay.
Tumakas ang suspek ngunit mabilis na tinugis ng alertong kapitbahay, isang pulis na nakatalaga sa Sta. Rosa MPS, kasama ang mga mobile patroller ng Cabanatuan CPS na tumugon sa panawagan.
Sa halip na sumuko, pinaputukan ng suspek ang mga paparating na mga operatiba gamit ang maikling baril kaya bilang pagpapakita ng katapangan at pagsunod sa protocol, gumanti ng putok ang responding team, na epektibong nasugpo ang banta.
Dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kaniyang katawan, agad na dinala ang suspek sa malapit na pagamutan kung saan siya kasalukuyang nilalapatan ng lunas at nananatili sa kustodiya ng pulisya.
Ipinoproseso ng Nueva Ecija Provincial Forensic Unit (NEPFU), ang pinangyarihan ng krimen at narekober mula sa suspek ang isang homemade Cal .38 Revolver, tatlong cellphone, wallet na naglalaman ng cash at ID, at iba pang personal na gamit na pinaniniwalaang kaniyang ninakaw.
Sa pamamagitan ng background verification, nabatid na ang suspek ay isang 27-anyos na lalaki mula sa Brgy. Pamaldan, Cabanatuan na may dati nang record para sa kasong paglabag sa RA 10883 (Bagong Anti-Carnapping Act).
Nakatakdang sampahan anf suspek ng mga kasong Robbery, Direct Assault, at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms Law) na inihahanda para sa inquest proceedings. (MICKA BAUTISTA)