HINDI bababa sa P307 milyong halaga ng imported na asukal ang nasabat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagsalakay sa tatlong magkahiwalay na mga warehouse sa lungsod ng Meycauayan, lalawigan ng Bulacan.
Sa kanilang pahayag nitong Sabado, 7 Hunyo, sinabi ni CIDG officer-in-charge P/Col. Ranie Hachuela, nasa 95,568 sako ang nadiskubre sa loob ng tatlong bodega sa isang industrial park sa Brgy. Perez, sa nabanggit na lungsod.
Aniya, ang ilegal na pag-iimbak ng mga produktong pang-agrikultura ay ipinagbabawal ng batas dahil nakaaapekto ito sa presyo sa merkado.
Isinigawa ang mga operasyon ng CIDG-Bulacan at iba pang police units sa bisa ng search warrant na nakuha sa tulong ng Department of Agriculture Inspectorate Enforcement (DA-IE) at Sugar Regulatory Administration.
Dagdag ni Hachuela, ang mga operasyon ay binibigyang-diin ang kanilang paninindigan laban sa pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura at pang-ekonomiyang sabotahe.
Kasalukuyang inihahanda ng mga awtoriad ang kasong paglabag sa RA 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 na isasampa laban sa mga sangkot na suspek. (MICKA BAUTISTA)