NAPATUNAYAN ni Rodjun Cruz na wala sa edad para mag-kampeon sa sayaw. Ito ang napatunayan muli ng mister ni Dianne Medina na nag-champion at itinanghal na Ultimate Dance Star Duo sa Stars on the Floor! kasama si Dasuri Choi.
Masaya at laging may ngiti lalo ngayon sa tuwing gigising si Rodjun dahil sa tagumpay na nakamit kamakailan. Ito ang ipinagtapat ng aktor nang makahuntahan namin isang tanghali sa isinagawang press conference noong Martes, October 28, sa Limbaga 77 Restaurant.
“Paggising ko kada umaga ang laki ng smile sa mukha ko, nakatutuwa. Iba ang ngiti ko after 18 years nag-champion uli,” panimula ni Rodjun nang kamustahin namin siya.
Unang nag-champion si Rodjun sa U Can Dance ng ABS-CBN noong 2007.
“Itong generation na ito hindi biro ang sayawan, ibang-ibang. Six months itong show,” pag-amin ni Rodjun na talagang kinailangan nila ni Dasuri ng hard work kaya naman very fulfilling nang manalo sila.
“Win or loose kami, maging part lang ng ‘Stars on the Floor,’ happy na ako. Kasi pinagkatiwalaan kami ng network na alam nila na deserving namin na masali rito tapos nanalo pa,” sambit pa ng aktor.
Tatlong salita raw ang nasambit ni Rodjun nang tanghalin silang champion. “Thank you Lord. After niyon napaluhod ako at naiyak ako kasi grabe si Lord, grabe talaga. Na ako uli ang nag-champion afte 18 years.
“Iba talaga ang feeling tapos sa harapan ng family ko—si Rayver (kapatid), si Dianne, si Joaquin at si Isabella. ‘Yung sa ‘You Can Dance’ kasi si mama ko ang nanood kasama rin sina Rayver and Dianne at saka ‘yung kuya ko tapos ngayon after 18 years sina Rayver, Dianne pero andoon na ‘yung dalawang anak ko.
“Hindi ko napigilan ang emosyon ko na grabe ang blessings ni Lord na hanggang ngayon tayo pa rin ang nanalo, sa harapan ng mga anak ko na alam ko ‘yung moment na ‘yun babalik-balikan ko at magiging proud din ang family ko sa akin,” masayang pagbabahagi ni Rodjun.
Inamin ni Rodjun na napakalaking challenge ng pagkakasali nila sa Stars on the Floor dahil lahat silang 10 ay palaban kaya naman hindi niya naisip na sila ang magwawagi.
“Laban talaga kapag laban. Ibibigay namin lahat, kahit sa anong genre o kahit anong challenge nagagawa.
“Kaya nga thankful din ang staff sa amin, ang mga boss ng ‘stars on the Floor,’ proud sila sa amin na hindi nga naman biro na mag-aaral ka ng pitong genre para sa laban na ito. Ito kasi kung ako hiphop, hiphop lang tayo. ito iba-iba talaga, may contemporary, jazz, apro, ballroom.
“Ilang buwan kaming nagre-rehearse, ‘yung pagod, ‘yung puyat, ‘yung time. So, hindi ko rin ine-expect na ako o kami ni Dasuri ang pinakamagaling.
“Pero siguro confident kami kada laban na alam namin na kaya namin. Kaya namin na kahit sino ang itapat sa amin. Ganoon kasi ang mentality ko eh na parang kahit sino ‘yan, ang tagal ko na rito, parang ilang years ko nang ginagawa ito, at saka iyong experience, ‘yun talaga,” wika ni Rodjun sa dahilan ng kanilang pagwawagi. Idagdag pa na kahit mahiyain, kapag nasa stage nagiging halimaw sa pagsayaw ang kapatid ni Rayver.
“Ang mindset ko talaga is positive lang. And siyempre ang nagpapalakas ng loob ko ang family ko and siyempre iyong prayers kay Lord. Manalo-matalo gusto lang namin iyong itinuro ng coach na maibigay namin iyong best namin para walang regret,” sabi ni Rodjun at inaming nahirapan sa genre ng contemporary at iyong lifting.
“Sa contemporary genre ako nahirapan pero iyon ang ipinanolo namin. Kasi hindi talaga ako marunong sa contemporary pero iyon ‘yung strength ni Dasuri kasi sa Korea pinag-aralan niya talaga ‘yun. Talagang inaral ko rin, tulungan kami. Kasi si Dasuri rin naman hindi siya nagli-lifting takot na takot siya sa lifting, hindi siya comfortable sa may partner. Ang advantage rin siguro namin eh iyong trust namin sa isa’t isa. Teamwork talaga ang kailangan.
“May ugali ano rin ako na kahit bago sa akin kapag inilagay ko ang puso ko, ‘yung utak ko kakayanin ko. Kaya inaral ko ang contemporary na kailangan ng emotions tapos naka-point ‘yung toes mo unlike sa hiphop, iba iyong chemistry and connection,” sabi pa na sa blindfold sila nahirapan.
“Never ko pang ginawa iyon at kahit sino naman iyong wala kang makita, mahirap lalo pa na sumayaw ka, may lifting, may sabayan kayo.
“Mula umpisa hangang matapos naka-blind fold ka wala kang makikita. Dasal lang talaga at musicality at dapat alam mo ang steps at pakiramdaman kami ni Dasuri. At kapag nakakapit na siya alam mo heartbeat, sounds naririnig mo na. Hindi siya biro. Kaya sabi ko nga iyong dance na iyon ‘yung make it or break it namin kasi kung nagkamali kami pwedeng bumaba ang score namin,” sambit pa ni Rodjun.
At sa lahat ng hirap na pinagdaanan, nasabi ni Rodjun worth it lahat-lahat ng pagod kaya nga lagi siyang nakangiti.
At kung mayroong King of the Dance Floor, Champion of the Dance Floor naman si Rodjun.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com