SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
DINAGSA ng mga kaibigan, pamilya, at supporters ang red carpet premiere ng pinagbibidahang pelikula ni Gladys Reyes, ang The Heart of Music sa SM Megamall Cinema 3 noong Huwebes, October 23.
Inspired ng iconic Hollywood film na The Sound of Music ni Julie Andrews, ang musical debut film ni Gladys na first time mapapanood sa ganitong tema ng pelikula.
Sinuportahan si Gladys ng kanyang pamilya sa pangunguna ng asawang si Christopher Roxas, na kitang-kita namin ang pagka-proud sa asawa; anak na si Christophe Sommereux, at inang si Mommy Zeny. Naroon din ang ilan sa mga kaibigang sina Vina Morales, Neil Ryan Sese, Carmi Martin, at iba pa.
Aliw kami sa pelikula ni Gladys na kasama rin sa pelikula sina Isay Alvarez at Robert Seña.
Humanga kapwa sina Isay at Robert sa pagka-propesyonal ni Gladys gayundin ang tiyaga nito para matutunan ang mga kanta.
“Nag-aral pa nga siyang mag-piano,” pagbuking ni Robert para talagang mabigyang-justice ni Gladys ang karakter ni Yaya Madona.
Ayon kay Gladys nag-aral siya ng voice lessons bago simulan ang shooting.
“Nahihiya kasi ako kina Sir Robert and of course kay Ate Isay. Noong nalaman ko ‘yon, nag-set agad ako ng appointment sa voice lessons and then piano lessons din as well para kahit paano kahit na hindi naman ipinakita nang buo sa movie, I wanted to be prepared kahit paano roon sa mga eksena.
“At sabi ko nga po, siyempre hindi naman… mga kilalang-kilala sa industriya ng musika at pagtatanghal, of course, sina Sir Robert and Miss Isay kaya po ganoon na lang din po ‘yung kaba ko noinh gawin ‘to,”pagbabahagi ni Gladys sa isinagawang mediacon pagkatapos ng panonood.
Kilalang mahusay na kontrabida si Gladys at kakaiba ang ipinakita niya sa The Heart of Music. Nagpaka-kwela rin ang magaling na aktres.
Naibahagi ni Gladys na matagal na niyang pangarap ang makaganap at makagawa ng ganitong tema ng pelikula. Iyong musical nga. Kaya naman sa maraming eksena may hiyawan at tawanan ang mga manonood.
PInaka-nagustuhan namin ay iyong eksena nilang mag-ina, si Marissa Sanchez na tulad niya kulot na kulot din ang buhok. Na ayon sa director ang Italian filmmaker na si Paolo Bertola at sumulat na Mario Alaman, sinadya nilang gawing kulot sina Gladys at
Marissa para mabago ang hitsura mula sa mga nagawang pelikula lalo ng bida. Na napagtagumpayan naman nila.
Bumagay ang karakter at hitsura ni Gladys sa ginagampanang papel, si Yaya Madonna, breadwinner ng pamilya, na na-scam ng recruitment agency. Kaya naman napilitan siyang mamasukan bilang yaya ng walong anak ng mag-asawang Diana (Isay) at Frank Riviera (Robert).
Maraming light moments at eksenang kukurot sa dibdib for sure ng mga manonood, mayroon ding nakatatawa.
At dahil kantahan at naitawid ng bongga ni Gladys, natanong ang aktres kung may balak bang tumawid ito sa mundo ng recording?
“Secret! Hahaha! Malalaman n’yo na lang,” natatawang tugon nito.
Kasama rin sa powerhouse cast ng pelikula sina Rey PJ Abellana, Jon Lucas, Angel Guardian, Sean Lucas, Angel Laco, Stanley Abuloc, ang kambal na sina Noreen at Markhy, Jopay Paguia, Joshua Zamora at marami pang iba.
Malapit nang mapanood sa mga sinehan ang The Heart of Music mula Cube Studios sa pakikipagtulungan ng Utmost Creatives Motion Pictures at YourPost Entertainment.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com