NAUWI sa eksena ng trahedya ang naganap sa isang construction site sa Barangay Buisan, Bustos, Bulacan matapos gumuho ang isang itinatayong warehouse dito kamakalawa ng hapon, Hulyo 4.
Sa ulat na ipinadala kay Police Colonel Angel Garcillano, provincial director ng Bulacan PPO, ang bumagsak na istraktura ay nasa loob ng JL Toys, na matatagpuan sa Interglobal Industrial Park na pag-aari ng Horting Realty Corporation.
Dalawang manggagawa ang kumpirmadong patay, na kinilalang sina alyas Allan, ang site foreman at alyas Norman na residente ng Taytay, Rizal habang ang limang sugatan ay isinugod sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng lunas,
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, unang napansin ng mga manggagawa na lumulubog ang kongkretong slab sa ikalawang palapag ng bodega habang isinasagawa ang pagbuhos ng semento.
Tinangka ng isa sa mga manggagawa na hinangin at palakasin ang suportang bakal, ngunit biglang bumigay ang istraktura at ang plantsa na humahawak sa ikalawang palapag ay gumuho, na naging sanhi ng malagim na insidente.
Kaagad na rumisponde sa lugar ng insidente ang mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Bulacan Rescue, Bustos DRRMO at PNP kaya mabilis nailigtas ang limang biktima habang dead on the spot ang isa.
Nagtulong-tulong naman ang mga tauhan ng BFP Bulacan at PNP sa pagsisikap para masagip ang katawan ng foreman subalit dahil sa mabibigat na debris mula sa gumuhong istraktura ay patay na ito nang makuha.
Natukoy ng mga awtoridad ang may-ari ng bodega, at nagpapatuloy ang isang opisyal na pagsisiyasat upang matukoy ang pananagutan at anumang mga paglabag sa mga protocol sa kaligtasan ng konstruksiyon. (MICKA BAUTISTA)