NATAGPUAN ng mga nagrorondang opisyal ng barangay ang isang bangkay ng lalaki sa liblib na lugar sa bahagi ng Brgy. Buenavista, bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 23 Hunyo.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Voltaire Rivera, hepe ng Sta. Maria MPS, dakong 3:30 ng madaling araw nang madiskubre ang bangkay.
Napag-alaman na isang tawag sa telepono ang natanggap ng Sta. Maria MPS mula sa mga opisyal ng Brgy. Buenavista hinggil sa nakitang bangkay.
Ilang commuters ang nag-ulat na habang dumaraan sila sa liblib na lugar sa Sitio Libis, nakita nila ang isang lalaking nakahandusay sa madilim na bahagi ng kalsada at nakadapa.
Agad silang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay, na siyang nag-ulat sa estasyon ng pulisya.
Nang matanggap ang impormasyon, agad nagresponde sa lugar ang mga tauhan mula sa Sta. Maria MPS, upang iberipika ang ulat.
Dito ay natagpuan ang bangkay ng isang hindi kilalang lalaki, tinatayang edad 40 hanggang 50 anyos, nakasuot ng maong na shorts at itim na jacket.
May posibilidad na pinatay ang lalaki sa ibang lugar at itinapon sa bahaging iyon ng Brgy. Buenavista upang iligaw sa imbestigasyon ang mga awtoridad.
Ang mga operatiba ng Scene of the Crime Office (SOCO) mula sa Bulacan Forensic Unit ay hiniling na iproseso ang pinangyarihan ng krimen habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Sta. Maria MPS. (MICKA BAUTISTA)