TIGBAK sa enkuwentro matapos pumalag sa isinisilbing warrant of arrest ang pinaghahanap na suspek sa pagpaslang sa dalawang pulis sa Bocaue, Bulacan noong 8 Marso 2025 sa Zone 7, Barangay Bacagan, Baggao, Cagayan kahapon ng umaga, 4 Hunyo 2025.
Kinilala ang suspek na isang alyas Xander, na siyang tinutukoy sa warrant of arrest kaugnay sa pagpaslang kina P/SSg. Dennis G. Cudiamat at P/SSg. Gian George N. Dela Cruz, parehong miyembro ng Bocaue Municipal Police Station.
Ayon sa ulat mula sa Cagayan Police Provincial Office, nagsagawa ng intelligence driven operation ang pinagsanib na puwersa ng Baggao Police Station (lead unit), Regional Intelligence Division 2 & 3, Regional Intelligence Unit 2 & 3, Provincial Intelligence Unit-Cagayan PPO, Provincial Intelligence Unit-Bulacan, 204th Maneuver Company RMFB2, 1st PMFC, at Bocaue Police Station upang ipatupad ang nasabing warrant of arrest.
Habang isinasagawa ang operasyon, sinasabi na biglang bumunot ng baril ang suspek at sumigaw ng “Di ako papahuli nang buhay!” saka pinaputukan
ang mga operatiba.
Napilitan ang mga alagad ng batas na gumanti ng putok, na nagresulta sa pagkamatay ng suspek kasunod ng pagkarekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang yunit ng Glock firearm na may serial number PNP50742, pinaniniwalaang armas na pagmamay-ari ng isa sa mga napatay na pulis sa Bocaue, Bulacan.
Ayon kay P/BGeneral Antonio P. Marallag Jr., regional director ng PRO2, hindi kailanman magtatagumpay ang mga lalapastangan sa mga tagapagpatupad ng batas.
Aniya, ang pagkamatay ng suspek sa madugong insidente sa Bocaue ay isang malinaw na mensahe na ang rehiyon ng Lambak ng Cagayan ay hindi ligtas na
taguan ng mga puganteng kriminal.
Dagdag ng opisyal, ito ay tagumpay ng hustisya para kina P/SSg. Cudiamat at P/SSg. Dela Cruz, at sa kanilang mga pamilyang naiwan. (MICKA BAUTISTA)