ANO nga ba talaga ang lasa ng kapeng barako? Ito ang tanong ng isa sa guest speaker sa isinagawang Kape ++ Coffee Business Start-Up Workshop na ginanap sa Big Ben Complex, 2nd Floor Business Hub na pinangunahan ng negosyanteng si Joel Pena na presidente rin ng Tourism Council.
Ang kapeng barako ay isang uri ng kape na tumutubo sa Pilipinas lalo na sa mga lalawigan ng Batangas. Mula ito sa uring Coffea liberica at ginagamit din ang pangalang ito sa lahat ng kapeng galing sa probinsiyang ito.
Napag-alaman namin mula sa isa sa guest speaker ng hapong iyon, si Mr. Arnold Malbataan ng Samahan ng Magkakape ng Lipa na ang tunay na lasa ng kapeng barako ay may kaunting asim na may kaunting lasa ng langka at mangga (fruity).
“Kaya kung gusto mo ng healthy coffee, black coffee lang talaga. Kapag nilagyan mo na ng sukal umasim ang kape. Ang asukal ang nagpapa-asim ng kape o nagiging acidic kapag may asukal na,” wika ni Mr Arnold nang kapanayamin namin sandali.
Layunin ng workshop, ayon kay Joel na makabuo sila ng isang blend na papalit sa nawawala o kakaunti ng variant ng kapeng barako o liberica na matatawag na nagmula talaga sa Lipa. Dagdag pa na maging coffee hub ang kanilang Big Ben Complex, at madagdagan pa ang mga nagtatanim ng kape.
“Nasa puso ko na ‘yan simula pa noon. U nang-unang negosyante ako, entrepreneur, so sa entrepreneurship side, pangalawa matagal na nai-introduce sa kamalayan dito ng culture and arts, so inate na sa akin bilang Lipeno may pride roon sa aspeto na kami medyo may yabang na sa amin talaga nagmula ang kapeng barako.
“Gusto rin naming maipakilala nang husto tulad din ng sinabi ng isa sa mga guest speaker na maging coffee hub ang aming lugar,” dagdag pa ni Joel na aminadong isa rin ang kanilang pamilya sa mga may tanim ng kape.
“Dream ko na maibalik sa Lipa iyong dito manggaling muli ang kapeng barako talaga kasi lumaki kami na mayroong coffee plantation, na ilang bukid iyong may tanim ng kae. ‘Yung bahay namin may kapeng barako na kapag dumungaw ka kita mo na agad. ‘Yung parents ko nagtanim niyon na after ilang years, nagkakagubat, parang nagkakaroon ng forest plantation ng kape, mangga, paminta, o kinalakihan ko ‘yun,” sabi pa ni Joel.
Iginiit pa ni Joel na vision na, “Mabuhay ang kape, marami ang magtanim, mag- farming, dumami ang coffee shop, madagdagan ang isa sa sikat na kapihan dito ang Cafe de Lipa. Na marami ang pumunta rito sa aming lugar na sadyain para makapag-kape lang.”
Napag-alaman naming ang pinakamahal na variant ng kape ay ang liberica dahil kakaunti na ang nagtatanim nito kaya naman gusto nilang makagawa ng blend mula rito o mula sa iba’t ibang variaties pa ng kape na arabica, robusta, liberica, at excelsa.
“Kakaunti na ang taniman ng kape lalo na ang barako o liberika at least gayahin namin iyon na baka mayroon kaming branding ng blend na magkaroon ng brand ng Lipa blend bukod sa barako,” sabi pa ni Joel na kaakibat niya sa proyektong ito ang ilang private group mula Lipa gayundin ang LGUs ng Lipa, Department of Agriculture at iba pa.
Kasama ring nagbahagi sa naturang workshop ang maipagmamalaki rin ng Lipa na talaga namang malayo-layo na ang narating sa kanilang negosyo ng coffee shop, si Ms. Rhomagne Vanna Magtibay, may-ari ng Krav Cafe na sa loob ng tatlong taon, mayroon ng 13 coffee shop.
“Ang puhunan namin ay nag-umpisa sa P1.8-M kasama na ang construction, pagbabayad permits, pag-purchase ng machinery, sofa, lahat-lahat na. At within seven months nakapag-ROI na kami na sa katuwaan namin pinag-aralan naming mabuti kung paano pa mapapalago. Pinag-aralan naming mabuti, nag-enrol kami sa isang consultation for franchise na malaking tulong para magkaroon kami ng maraming franchisee.
“At noong 9th month namin confident na akong magpa-franchise at nakapag-establish na rin kami ng products namin kaya ayun may apat na kaming coffee shop at siyam na ang franchisee,” pagbabahagi pa ng may-ari ng Krav Cafe na matatagpuan sa Lamar Village, Sabang; Kumintang Ibaba; Catalina Village; at sa iba’t ibang bahagi pa ng out Luzon.At sa mga gustong mag-franchise ng kanilang coffee shop, nagkakahalaga lamang iyon ng P585,000.
Kasama rin nagsalita sa workshop sina Ariestelo Asilo, The Outstanding Young Men of the Philippines awardee na tinalakay ang Kape, Kaperahan,at Kalayunin: Pagbubuklod ng Teknolohiya, Kalikasan, at Komunidad; Mark Ian Recio, Senior Trade and Industry Development Specialist na tinalakay naman ang Legalities of Putting Up a Coffe Shop.
Dinaluhan ng humigit-kumulang sa 150 participants ang wokshop kaya naman ganoon na lamang ang kasiyahan ni Joel na naging matagumpay ang ikalawang yugto ng kanyang proyekto.
Pagkatapos ng workshop nagkaroon ng raffle na worth P20k ng coffee shop equipment na pinanalunan ng magkaibigang may coffee shop din mula Inosluban, Lipa City, sina Edelyn Gabriel at Lurice Ann Pasahol.
Sa ngayon, may 150 coffee shop na sa Lipa at inaasahan ni Joel na madaragdagan pa ito.