SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
WALANG kupas. Nakita pa rin namin ang galing, husay ng isang JM de Guzman sa pelikula nila ni Sue Ramirez, ang Lasting Moments na idinirehe ni Fifth Solomon handog ng Passion 5 Studios.
Pero aminado ang aktor na may pagkakataong hindi siya natutuwa sa acting na ipinamamalas at nangyari ito sa teleseryeng Linlang ng Kapamilya na pinagsamahan nila nina Maricel Soriano, Kim Chiu, at Paulo Avelino.
Naibahagi ni JM na sa hitsura niya siya hindi nasiyahan dahil talaga namang mataba siya noong panahong iyon. Acting wise okey naman, pero hindi pala happy ang aktor sa kanyang performance roon.
“Ang pakiramdam ko gusto ko na lang matapos (Linlang),” anang aktor.
“Siguro na-depress ako kasi nga tumaba ako, hindi katulad ng dati. Hindi naman ako ganoon umarte. Pero ngayon okey na,” pagbabahagi pa ng aktor sa media conference na isinagawa muna bago ang premiere night ng pelikula sa SM Cinema, SM Megamall.
Samantala, kinabahan naman si Sue sa pagpapalabas ng kanilang pelikula ni JM dahil aniya espesyal ang Lasting Moments.
“This movie is so special, kami po as artist, the artist behind the camera iba iyong pag-iingat na ginawa namin while doing this film kasi they had to put a lot of research in doing it. Of course hindi pa alam ng mga tao na hindi ipinakita sa trailer ang totoong plot ng kuwento.
“Bakit ba espesyal ang pelikulang ito? It would really have to go to the cinema to find out that’s why it make it so special and that’s why I’m so nervous. Because if you see the trailer you don’t see the inner, just the facade, the differ meaning and the weight of the movie actually when you see it and it so beautiful when you see it in the big screen.
“Ako really, I was praying since last night, ang ganda talaga ng pelikula at talagang pinaghirapan namin, sobrang nag-enjoy kami ni JM noong ginagawa namin itong movie. Pinagpe-pray namin sana talagang marami ang makapanood nito dahil napakaganda ng movie,” wika ni Sue.
Maganda ang istorya ng pelikula, magaling din kapwa sina JM at Sue, at maayos ang pagkakadirehe ni Fifth bagamat hindi naman bago ang istorya ng Lasting Moments. Pero iba iyong atakeng ginawa ni direk Fifth.
Nag-focus muna siya sa relasyon ng mga bidang sina JM at Sue at sa huli roon lamang sumambulat ang isang tagpong nakagigimbal na hindi na namin sasabihin para hindi ma-preempt.
Maganda rin ang cinematography, kahanga-hanga.
Bagamat drama ang tema, may lighthearted at funny moments ang pelikula kaya lalong maa-attach sa characters ang manonood.
Sa totoo lang mabigat ang feeling ng emotional scenes gayundin ang confrontation scenes nina JM at Sue na pareho nilang nadala ang mga eksena. Hindi nagpatinag sa husay ni JM si Sue. Talagang nakasabay siya. Ang galing. Sa tagpong ito tiyak na madadala at hindimapipigilan ng sinumang manonod ang pagpatak ng kanilang luha dahil very effective magpaiyak ang dalawa.
Sa kabuuan, tulad ng sinabi ni Sue sanay marami ang makapaood ng Lasting Moments dahil bukod sa mahusay ang mga bida, maganda ang istorya. Mapapanood na ito sa July 30 in cinemas nationwide, with Kych Minemoto, Vic Silayan, Wendy Villacorta, at Tommy Alejandrino, written and directed by Fifth Solomon.