MAAARI nang makabili ng halagang P20.00 kada kilo ng bigas ang mga residente ng Navotas makaraang isulong ng Department of Agriculture’s (DA) ang P20 Rice Project.
Sa pamamagitan ng inisyatibo ng Navotas local government unit (LGU) makabibili na ng murang bigas sa halagang P20 kada kilo ang mga residente at kabilang sa makikinabang o mga benepisaryo ng murang bigas ay mga kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, persons with disability (PWDs) at solo parents.
Ang programa ay isinulong sa Kadiwa Center sa Navotas City Hall at Agora Market na pagbabagsakan ng DA.
Layunin ng programa na mabigyan ng sapat at abot kayang bilihin ang mga mamamayan.
Ang P20 Rice Project ay ipinatupad ng DA sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI), at sa pakikipagtulungan ng Navotas LGU sa ilalim ng pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco.
“We thank President Bongbong Marcos and the Department of Agriculture for making this possible. Sa halagang P20 kada kilo, makasesegurado tayong hindi lang mura kundi de-kalidad na bigas ang mabibili ng bawat Navoteño, lalo na ang nasa vulnerable sectors.” ayon sa alkalde. (VICK AQUINO)