ARESTADO ang 35-anyos pedicab driver na wanted sa kasong pangmomolestiya sa isang menor de edad sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, ang akusado ay residente sa Brgy. Arkong Bato, nakatala pasok sa 10 most wanted persons sa Valenzuela CPS.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS) na naispatan ang akusado sa kanilang lugar.
Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ng WSS ang operation laban sa akusado katuwang ang mga tauhan ng NDIT, RIU-NCR, at IG hanggang mahulil siya malapit sa kanyang tirahan.
Hindi pumalag ang akusado nang arestohin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court, Branch 270 para sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(b) of R.A. 7610 as amended by R.A. 11648 na may inirekomendang piyansang P180,000.
Dinala ang akusado sa pagamutan para sa medical examination bago isinuko sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS kung saan siya pansamantalang ipipiit habang hinihintay ang utos mula sa korte.
Samantala, pinuri ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang Valenzuela CPS sa kanilang matagumpay na operation bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibiduwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan at hustisya sa CaMaNaVa area. (VICK AQUINO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com