ISANG dayuhang kinilalang high value individual (HVI) ang inaresto nang masamsam ng pulisya ang halos ₱1.24 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa isang buybust operation sa Mabalacat City, Pampanga kamakalawa, 18 Nobyembre.
Ang suspek, isang Koreano, kinilala bilang alyas Kyoung, ay naaresto dakong 10:50 ng umaga sa Barangay Macapagal sa pinagsamang operasyon na pinangunahan ng Police Station 4 ng Angeles City Police Office (ACPO), sa pangunguna ni City Director P/Col. Robert Domingo.
Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng ACPO City Intelligence Unit, City Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Division–Regional Special Operations Group (RID-RSOG), Regional Drug Enforcement Unit 3 (RDEU3), Mabalacat City Police Station, at Regional Intelligence Unit 3 (RIU3).
Nakompiska ng mga awtoridad ang 180 hinihinalang tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng ₱306,000; 159 pods na naglalaman ng hinihinalang liquid ketamine na nagkakahalaga ng ₱636,000; at halos 100 gramo ng hinihinalang ketamine powder na nagkakahalaga ng ₱300,000, tinatayang may kabuuang halagang ₱1,242,000.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang transaksiyon ng ilegal na droga ay unang itinakda ng suspek at kliyente sa Barangay Anunas, Angeles City.
Pero inilipat ng suspek ang lugar ng pagpupulong sa Mabalacat City, na nag-udyok sa mga operating team na ayusin ang kanilang deployment at matagumpay na isagawa ang buybust operation.
Pinuri ni PRO3 Director P/BGeneral Jess B. Mendez ang operating team para sa kanilang matagumpay na koordinasyon at muling pinagtibay ang pangako ng pulisya sa rehiyon na paigtingin ang kampanya nito laban sa ilegal na droga.
Ang naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Seksyon 5 at 11, Artikulo II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)
