TINATAYANG 1.112 kilo ng imported na methamphetamine hydrochloride (shabu) na nagkakahalaga ng P7,561,000 ang nasabat sa interdiction operation sa Port of Clark.
Natuklasan ng Bureau of Customs examiner ang kahina-hinalang pakete sa isang X-ray examination at kasunod na pisikal na pagsusuri, na kinompirma ng PDEA K-9 ay nagbunga ng positibong resulta.
Ayon sa team leader ng PDEA Clark, ang mga nakompiskang illegal substance ay nakaimpake at itinago sa vacuum cleaner at rice cooker.
Ayon sa hepe ng PDEA Clark, ang package na naglalaman ng ilegal na droga ay nagmula sa Kuala Lumpur, Malaysia, at dumating sa pantalan noong 6 Mayo 2025.
Nakompiska ng mga awtoridad ang isang vacuum cleaner na may label na Philips power pro compact naglalaman ng higit o mas kaunting 538 gramo ng shabu; at isang rice cooker na naglalaman ng 574 gramo ng shabu.
Ang mga sample ng nasamsam na crystal meth ay ipadadala sa PDEA RO 3 laboratory para sa forensic examination at kompirmasyon.
Ang matagumpay na operasyon ay sa pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ng PDEA Clark International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ( CRK IADITG), Bureau of Customs (BOC) Port of Clark, PNP Aviation Security Unit 3, at Drug Enforcement Group. (MICKA BAUTISTA)