ANG SELF-CONFESSED drug lord na si Kerwin Espinosa, na kasalukuyang tumatakbo sa pagka-alkalde ng Albuera, Leyte, ay binaril habang nakikipagpulong sa mga pinuno sa Barangay Tinag-an sa bayan ng Albuera Huwebes dakong alas-4:30 ng hapon, Abril 10.
Ayon sa pulisya, naghihintay si Espinosa ng kanyang pagkakataon na magsalita nang barilin ng hindi pa nakikilalang gunman na nagtatago sa ceiling ng entablado, ang biktima mula sa likuran.
Bukod kay Espinosa, sugatan din sa insidente ang isang menor de edad ng Barangay Tangas, gayundin si Mariel Espinosa Marinay, na tumatakbong bise alkalde.
Ang mga biktima ay isinugod sa ospital ng mga close-in security ni Espinosa para sa medikal na atensyon.
Nagtalaga na rin ng mga checkpoints ang mga tauhan ng Albuera Municipal Police habang isinasagawa ang hot pursuit operation.
Sa isang pahayag, kinondena ni Commission on Elections Chairman George Garcia ang insidente at idinagdag na ang mga salarin ay dapat na managot sa batas..
“Any act of violence should be condemned by anyone. The perpetrators should be unmasked and bring to justice immediately. Election is never about killing but is instead the giving life to our democracy. Balota not bullets is the answer to our problems,” dagdag pa ng chairman. (MICKA BAUTISTA)