NAARESTO ang dalawang lalaking tirador ng motorsiklo na nagbabalak na namang umatake sa Santa Maria, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat ni PLt.Colonel Voltaire C. Rivera, hepe ng Santa Maria Municipal Police Sation (MPS), habang nag papatrulya ang kanyang kapulisan ay naispatan nila ang dalawang kahina-hinalang lalaking magkaangkas sa motorsiklo na nakaparada sa tapat ng Savemore Supermarket.
Agad napansin ng mga pulis ang hawakan ng baril na nakasuksok sa bewang ng angkas, kaya agad na nilang kinompronta ang dalawang lalaki, na akmang tatakas pa, ngunit napigilan ang mga ito.
Nang beripikahin ang nakitang nakaumbok sa bewang ng isa sa suspek, ito ay nakumpirmang isang kalibre .38 na baril na kargado na apat na bala, kung kaya’t agad silang inaresto at dinala sa tanggapan ng Santa Maria MPS.
Sa patuloy na pag-iimbistiga ng mga operatiba ay napag-alaman na ang gamit na motorsiklo ng mga suspek ay ang nawawalang motorsiklo noong ika-8 ng Abril, 2025 sa Barangay Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Maria MPS ang mga naarestong suspek, habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinumete sa Crime Laboratory para sa ballistic examination.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong R.A. 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” New Anti Carnapping Act of 2016 (RA 10883) at Comelec Resolution 11067 “Gun Ban”. (MICKA BAUTISTA)