ARESTADO sa bisa ng warrant of arrest ang dalawang lalaking nagtatago sa batas dahil sa kasong panggagahasa sa lalawigan ng Nueva Ecija nitong Martes, 8 Abril.
Ayon kay P/Col. Ferdinand Germino, provincial director ng Nueva Ecija PPO, dakong 0:29 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Bongabon MPS sa Bry. Palomaria, bayan ng Bongabon, sa nabanggit na lalawian.
Nadakip ang isa sa mga suspek na nakatalang Top 1 Most Wanted sa municipal level ng Bongabon sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang bilang ng kasong rape sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 1 (D) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng RA 8353 at 11648, na inisyu ng Palayan City RTC Branch 7.
Walang inirekomendang piyansa para sa akusado, na ngayon ay nasa kustodiya ng Bongabon MPS habang naghihintay ng karagdagang legal na paglilitis.
Gayundin, nagsagawa ng police operation dakong 12:10 ng tanghali, nitong Miyerkoles, 9 Abril, ang magkasanib na mga operatiba mula sa San Isidro MPS at 303rd MC RMFB3 sa Brgy. San Roque, sa bayan ng San Isidro, sa naturang lalawigan.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa isang 56-anyos na lalaking nakatala bilang Top 10 Most Wanted sa bayan ng San Isidro sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 2 ng Revised Penal Code, na inamiyendahan ng RA 8353 kaugnay ng RA 7610, na inisyu ng Gapan City RTC Branch 36. (MICKA BAUTISTA)