ni MICKA BAUTISTA
PINAIGTING ng mga awtoridad ang kampanya laban sa economic sabotage, lahat ng uri ng kriminalidad, at mga paglabag sa batas kaugnay sa proteksiyon para sa mga konsumer sa bansa.
Magkasanib-puwersa ang CIDG Bulacan Provincial Field Unit ng CIDG Regional Field Unit 3 at lokal na pulisya na nagpatupad ng search warrants sa -Warehouse No. 22B, St. John Compound, Brgy. Patubig, sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan.
Pahayag ni CIDG Director, P/Maj. Gen. Nicolas Torre III, ang operasyon ay nagresulta sa pagkakaaresto sa limang suspek na kinilalang sina Shi at Jiaxin, kapwa Chinese national; Cherry, sekretarya; Florissa, interpreter; at Irene, checker.
Nabatid na ang mga suspek ay sangkot sa pagbebenta ng mga imported na gamit na damit, kilala sa tawag na ukay-ukay, ngunit walang kaukulang dokumento kaya ilegal.
Nakompiska ng operating team ang 268 bundle ng ukay-ukay, 13 sales receipts, dalawang forklift, at tatlong powerhouse pallet truck, na may tinatayang market value na P3.1 milyon.
Sinampahan ang limang suspek ng kasong paglabag sa RA 4653 (An Act to Safeguard the Health of the People and Maintain the Dignity of the Nation by Declaring it a National Policy to Prohibit the Commercial Importation of Textile Articles Commonly Known as Used Clothing and Rags) para sa pagbebenta at pamamahagi ng mga gamit na damit nang walang kaukulang dokumento.
Binigyang-diin ni P/Maj. Gen. Torre na itinataguyod ng estado ang kalusugan at dignidad ng mga mamamayan nito sa pamamagitan ng pagbabawal sa pag-aangkat ng mga gamit na damit at basahan.
Aniya, dapat maging matalino ang publiko sa pagbili ng ukay-ukay dahil maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kalinisan ang mga ilegal na inangkat na segunda-manong damit. (MICKA BAUTISTA)