PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
MULI na namang nahahati ang showbiz world nang dahil sa mga personal na opinion at paniniwala tungkol sa pagkakahuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court thru the Interpol.
Dinala sa Netherlands ang dating Pangulo na kinasuhan ng ‘crime against humanity’ kaugnay ng kanyang programa sa “war on drugs.”
Siyempre para sa mga supporter ni Digong, kuwestiyonable ang naturang pagdakip sa kanya.
Para naman sa iba, dumating na nga ang panahon para mapanagot siya.
Tiyak na magkakaroon ito ng matinding epekto sa lagay ng bansa, lalo na sa politika.
At dahil marami ang sinisisi si Pangulong Bongbong Marcos na umano’y nagtaksil sa dating kaalyado, marami rin ang nagsasabing may epekto ito sa kanyang leadership much more sa mga kaalyado niyang tumatakbo sa iba’t ibang posisyon.
Lumutang nga ang panawagan kay Sen. Robin Padilla na panindigan nito ang ipinroklama na sasamahan niya si Digong kapag hinuli na.
Matindi rin ang naging emosyon ni Phillip Salvador na noon pa ma’y kinabubuwisitan na ng marami dahil sa ipinakikita nitong suporta sa dating Pangulo.
Sa kabilang banda, consistent naman si Jake Ejercito sa prinsipyo nito hinggil sa justice at pagkontra sa naging programa ni Digong, kaya’t mabilis siyang nag-post sa socmed na nagsimula na raw umani ng tagumpay ang mga biktima ng war on drug.
For sure, marami pang ibang celebrities ang maglalabas ng kanilang tapang at pahayag.
Hindi nga lang natin ini-expect dito ‘yung mga tumatakbong nakilala sa pagiging doble kara at mahilig makipaglaro sa politika.
Aguy!!!