PINAGSASAKSAK hanggang mapatay ng isang 46-anyos lalaki na may kondisyon sa pag-iisip ang kaniyang mga magulang na kapwa senior citizen sa Brgy. Gemumuan Agahon, Passi City, Iloilo nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Dolores Espina, 82 anyos, at Oscar Espina, 84 anyos, kapwa magsasaka at residente sa nasabing lugar.
Ang suspek ay kinilala bilang alyas Miller, sinabing maraming beses nang dumanas ng psychological problem dahil sa kawalan ng tulog at kabiguang uminom ng kanyang maintenance medication.
Sa ulat ni Passi City Police Chief P/Lt. Col. Herman Magbanua, ang krimen ay nangyari noong Lunes ng gabi sa tahanan ng pamilya Espina.
Nabatid na ang suspek ay sumasailalim sa medical evaluation sa Western Visayas Medical Center. Iniulat na madalas din magwala dulot ng psychiatric disorders sa kanilang lugar.
Sinasabing ‘sinumpong’ ang suspek ng gumagrabeng mental illness dahil hindi nakaiinom ng kaniyang gamot na humantong sa malagim na insidente.
Iniulat na biglang dinaluhong ng saksak ng suspek ang kaniyang mga magulang na kapwa namatay sa tama ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com