SA KAMPANYA laban sa ilegal na droga at baril, naaresto ng pulisya ang dalawang hinihinalang tulak at nakumpiska ang milyong halaga ng hinihinalang shabu at baril sa isinagawang buybust operation sa bayan ng Guiguinto, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 11 Marso.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, nagsagawa ng buybust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto MPS sa Brgy. Tabang na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na kinilalang sina alyas Bude at alyas Tsong.
Nakumpiska sa operasyon ang 185.5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,293,300; isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala; at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang pagsusuri habang nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay ng Omnibus Election Code ang mga suspek.
Pahayag ni P/Col. Ediong, ang isinasagawa nilang operasyon ay umaayon sa mga direktiba ni P/BGen. Jean Fajardo, Regional Director ng PRO 3, na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga at loose firearms at itaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan. (MICKA BAUTISTA)