MATAGUMPAY na naaresto ng mga operatiba ng PRO3 PNP ang isang dayuhang kabilang sa most wanted fugitives sa Central Luzon, nitong Huwebes ng hapon, 27 Pebrero.
Dinakip ng intelligence operatives mula sa Police Station 4, sa pakikipag-ugnayan sa City Intelligence Unit (CIU) at Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Angeles CPO ang suspek na kinilalang si Delbert Leroy Fern III, isang 70-anyos American national, at No. 3 most wanted person sa antas ng probinsiya.
Dinampot si Fern sa Brgy. Malabanias, sa Angeles, Pampanga, sa bisa ng warrant of arrest para sa patong-patong na mga kasong paglabag sa Section 4(a) kaugnay ng Section 6(a) ng RA 9208, na inamyendahan ng RA 10364 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, walang inirekomendang piyansa.
Inilabas ang warrant of arrest laban sa suspek ni Judge Ireneo Pineda Pangilinan, Pairing Judge ng Angeles City RTC Branch 59.
Ayon kay P/BGen. Fajardo, ang pag-arestong ito ay isang patunay sa kanilang hindi natitinag na pangako para sa kaligtasan ng publiko at walang humpay na paghahangad ng hustisya. (MICKA BAUTISTA)