MATAGUMPAY na nasamsam ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang malaking halaga ng hinihinalang ilegal na droga at mga baril, na humantong sa pagkakaaresto ng ilang indibiduwal kabilang ang dalawang high-value individual (HVIs), sa magkahiwalay na operasyon sa mga lalawigan ng Bulacan at Nueva Ecija.
Sa ulat na ipinadala kay PRO3 Regional Director P/BGen. Jean Fajardo, nagsagawa ng buybust operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Cabanatuan CPS sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Sumacab Este, lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa mga suspek na kinilalang sina alyas Omba, 34 anyos, nakatalang high-value individual; at alyas Sheena, 20 anyos, kapwa mga residente sa Brgy. 188, sa lungsod ng Caloocan.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa dalawang suspek ang 75 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P510,000.
Kaugnay nito, naglunsad din ng buybust operation ang Norzagaray MPS Drug Enforcement Unit sa Brgy. Tigbe, sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, na ikinadakip ang mga suspek na kinilalang sila alyas Bulag, 43 anyos; alyas Anno, 29 anyos; alyas Roger, 40 anyos; at alyas Nold, 47 anyos, pawang mga residente sa nabanggit na bayan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 40.13 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P272,884, kasama ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng anim na bala, isang improvised shotgun na may isang bala, at dalawang karagdagang 12-gauge shotgun rounds.
Kaugnay nito, hinikayat ni P/BGen. Fajardo ang publiko na gumanap ng aktibong papel sa kampanya laban sa droga sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad. (MICKA BAUTISTA)