PATAY ang isang babae at kaniyang dalawang anak habang sugatan ang kaniyang asawa nang madaganan ng tumaob na truck ang kanilang kinalululanang sasakyan sa matarik na bahagi ng lansangan sa Brgy. Marungko, sa bayan ng Angat, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles ng gabi, 27 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga biktimang sina Angielyn Herrera at mga anak na sina Andrie, 6 anyos; at Sky, 2 anyos habang nakaligtas sa sakuna ang amang si John Jovy Herrera.
Sa inisyal na ulat mula sa Angat MPS, parehong binabagtas ng Howo truck na may plakang NBB7921 at ng Mitsubishi L300 van na may plakang PIE 431 ang matarik na kalsada ng Sitio Tugatog, sa naturang barangay.
Dito na biglang nawalan ng kontrol ang driver na kinilalang si John Arn De Castro, 26 anyos, residente ng Brgy. Sapang Putik, San Ildefonso, sa kaniyang minamanehong truck na nagresulta upang tumaob ito at madaganan ang sasakyan ng mga biktima.
Agad na dinala sa Norzagaray Public Hospital ng Angat Rescue team ang mga biktima kung saan idineklarang dead on arrival ang mag-iina habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang ama.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Angat MPS ang driver at inihahanda ang tatlong bilang ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Serious Physical Injury, at Damage to Property na isasampa laban sa kaniya. (MICKA BAUTISTA)